Ebanghelyo: Juan 10:31-42
Muling dumampot ng mga bato ang mga Judio para batuhin siya. Sinagot sila ni Jesus: “Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang itinuro ko sa inyo. Dahil sa alin sa mga ito at binabato n’yo ako?” Sinagot siya ng mga Judio: “Binabato ka namin hindi dahil sa isang mabuting gawa kundi dahil sa paglapastangan, pagkat gayong tao ka, itinuturing mong Diyos ang iyong sarili.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Di ba’t nasusulat sa inyong Batas: Sinabi ko, mga diyos kayo? Kaya tinawag na mga diyos ang mga kinakausap ng salitang ito ng Diyos, at hindi mapawawalang-saysay ang Kasulatan. Kung gayon, bakit n’yo sinasabing lapastangan ako sinasabi kong Anak ako ng Diyos – ako na pinabanal ng Ama at sinugo sa mundo?
Kung hindi ko tinatrabaho ang mga gawa ng aking Ama, huwag n’yo akong paniwalaan. Kung ginagawa ko naman, kahit na hindi kayo naniniwala sa akin, paniwalaan ninyo ang mga gawa. Kaya malalaman n’yo na nasa akin ang Ama at ako’y nasa Ama.”
Kaya muli nilang pinagtangkaang dakpin siya ngunit nakatalilis siya sa kanilang kamay. At muli siyang lumayo pakabilang-ibayo ng Jordan sa lugar na pinagbibinyagan ni Juan sa simula. At doon siya namalagi. Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi: “Wala ngang ginawang tanda si Juan pero totoong lahat ang sinabi ni Juan tungkol sa kanya.” At doo’y marami ang nanalig sa kanya.
Pagninilay
Minsan ng nabanggit ni San Francisco ng Assisi, “Ipahayag ang Mabuting Balita sa tuwina, gumamit ng salita kung kinakailangan.” Tunay nga kung minsa’y sapat na ang gawa at hindi na kinakailangan pa ang salita. Pagsasalarawan din ito ng pagtupad ni Jesus sa mga gawa ng Ama, na siyang nagsugo sa kanya. Pinagaling niya ang mga maysakit, binuhay ang patay, at pinakain ang mga nagugutom. Ang lahat ng ito ay pawang gawang kaligtasan na nagbubuhat sa Ama. Higit sa kung ano ang binibigkas ng ating mga labi, makilala rin nawa ng iba na sumasaatin ang Diyos sa pamamagitan ng ating mga gawa. Ang uri ng ating pamumuhay bilang Kristiyano ay sapat na dahilan upang makita na tayo nga ay sumasa-Diyos. Tandaang maging ang mga tahimik nating mga gawa ay nakakapagsalita.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021