Ebanghelyo: Juan 5:31-47
Sinabi ni Jesus: “Kung nagpapatunay ako sa aking sarili, di mapanghahawakan ang aking patunay. Ngunit iba ang nagpapatunay tungkol sa akin at alam kong mapanghahawakan ang patunay niya tungkol sa akin. Nagpasugo kayo kay Juan at binigyang-patunay niya ang katotohanan. Ipinaaalaala ko ito para maligtas kayo; ngunit hindi ko hangad ang patunay mula sa tao. Siya nga ang ilaw na may sindi at nagniningning, at ginusto n’yong magalak pansamantala sa kanyang liwanag. May patunay naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang bigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawa mismong ginagawa ko ang nagpapatunay na sinugo ako ng Ama. At nagpapatunay rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kailanma’y di ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita ang kanyang anyo. At hindi rin namamalagi sa inyo ang kanyang salita dahil hindi kayo naniniwala sa kanyang sinugo. Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan dahil inaakala ninyong doon kayo magkakaroon ng buhay magpakailanman. Nagpapatunay nga sa akin ang mga iyon ngunit ayaw n’yong lumapit sa akin para mabuhay. Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao, ngunit kilala ko kayo: wala sa inyong sarili ang pagmamahal sa Diyos. Sa ngalan ng aking Ama ako dumating at hindi n’yo ako tinatanggap; kung sakaling may dumating sa sarili niyang ngalan, siya ang inyong tatanggapin. Paano kayo makapaniniwala kung papuri sa isa’t isa ang hangad n’yo at hindi ang papuring galing sa tanging Diyos ang hangad? Huwag n’yong akalain na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang nagsasakdal laban sa inyo, siya na inyong inaasahan. Kung pinaniwalaan nga ninyo si Moises, paniniwalaan din sana ninyo ako sapagkat tungkol sa akin siya nagsulat. Ngunit kung hindi n’yo paniniwalaan ang kanyang mga sinulat, paano n’yo paniniwalaan ang aking mga pananalita?”
Pagninilay
Sa ating pagbabasa, nadarama natin ang pagkabigo ni Jesus sa mga Judio na patuloy siyang tinatanggihan. Labis ang kanilang pagdududa kay Jesus. Dahil dito, sila ay bulag na makita ang pagsaksi ni Jesus sa kalooban ng Ama. Ang mga Judio ay napakadeboto at may kaalaman sa kanilang pananampalataya ngunit wala silang tiwala na sumapalataya sa Salita ng Diyos. Samakatuwid, hindi nila naranasan ang pakikipagkaibigan ng Diyos na inihahandog ni Jesus. Nagduda sila sa pagkatao ni Jesus. Gaano karaming beses tayo nagalinlangan sa mga pagkilos ng Diyos sa ating buhay? Ang pag-aalinlangan ay ang bunga ng ating radikal at mga makasariling saloobin. Nagmumula ito sa ating sariling pagunawa kung sino ang Diyos at kung paano dapat kumilos ang Diyos. Ito ay nagmumula sa ating pansariling mga pamantayan, mga tinakdang limitasyon at mga inaasahang paggalaw ng Diyos na pumipigil sa atin upang maranasan ang Kanyang presensya. Ang Diyos natin ay isang buhay na Diyos, hindi arok ng ating kaisipan. Ang pagkakaroon ng pananampalataya ay hindi tungkol sa pagkakaroon ng malalim na kaalaman sa Kanya ngunit ito ay ang kakayahan upang buksan ang ating sarili upang maranasan natin ang Diyos muli sa araw-araw.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020