Ebanghelyo: Lucas 1:26-38
Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Pagninilay
“Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” May mga ilang kultura sa Asya, katulad sa Korea, kung saan nabibilang ang tanda ng tao simula sa paglilihi, hindi sa pagsilang. Parehas naman itong mahalaga sa buhay ng tao. Kung sa Pasko ng Pagsilang ang pokus natin ay sa Pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos, ngayon naman, sa Paglilihi sa ating Panginoon, ang pokus ay kay Maria: kung paano si Maria ay nagtiwala sa plano ng Diyos, at sa kanyang pagiging bukas-palad. Hinanda siya ng Diyos upang maging Ina ng ating Tagapagligtas, at nang ibinalita ito sa pamamagitan ng Anghel, bagamat nalito sa una si Maria, siya’y nakinig, nagnilay, nagtanong, naniwala, at sumagot: “Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi”. Ang tingin niya sa sarili ay utusan o alipin lamang ng Panginoon. Kahit walang kasiguraduhan, sumampalataya pa rin si Maria: walang hindi makapangyayari sa Diyos. Kung maglalaan tayo ng oras para sa personal na panalangin, mahalagang makinig din tayo sa tinig ng Diyos. Ito’y isang pambihirang pagkakataon para bukaspalad na sumunod sa kalooban ng Diyos, sa halimbawa ni Maria.
© Copyright Pang Araw-araw 2025