Ebanghelyo: Lucas 4:24-30
At idinagdag niya: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa babaeng balo ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring mayketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan para ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.
Pagninilay
“Abot-kamay natin ngayon ang biyaya ng Diyos.” Marami ang pwedeng maging aral sa salaysay ni Naaman at Eliseo. Ngayong panahon ng kuwaresma, maaaring abotkamay na natin ang biyaya ng Diyos. Konting pagsisikap lamang at ibibigay na sa atin. Para lang gumaling, nakinig si Naaman sa payo ng isang alipin. Siya’y naglakbay, nag-alay ng materyal, at sumunod sa utos ni Eliseo, kahit pa sa una ay ayaw niyang sumunod. Ibinaba niya ang kanyang sarili at nagsumikap upang makuha ang kanyang inaasam, at ibinigay ito sa kanya. Hindi siguro madali ang kanyang ginawa, pero kayang-kaya niyang gawin. Ginantimpalaan siya ng Diyos at gumaling sa kanyang ketong. Abot-kamay natin ngayon ang biyaya ng Diyos. Konting pagsisikap lamang at ipagkakalob Niya sa atin. Kaya naman nating magdasal sa araw-araw, tumulong sa kapwa, at gumawa ng mga sakripisyo. Alam natin na hindi madali itong gawin sa lahat ng oras, pero kailangan tayong magsumikap. Layunin ng kuwaresma ang buong-pusong pagbabalik-loob. Ang pagbabago ay biyaya ng Diyos na naghihintay sa ating mga pagsisikap.
© Copyright Pang Araw-araw 2025