Ebanghelyo: Juan 5:31-47
“Kung nagpapatunay ako sa aking sarili, di mapang-hahawakan ang aking patunay. Ngunit iba ang nagpapatunay tungkol sa akin at alam kong mapanghahawakan ang patunay niya tungkol sa akin. Nagpasugo kayo kay Juan at binigyangpatunay niya ang katotohanan. Ipinaaalaala ko ito para maligtas kayo; ngunit hindi ko hangad ang patunay mula sa tao. Siya nga ang ilaw na may sindi at nagniningning, at ginusto n’yong magalak pansamantala sa kanyang liwanag.
“May patunay naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang bigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawa mismong ginagawa ko ang nagpapatunay na sinugo ako ng Ama. “At nagpapatunay rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kailanma’y di ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita ang kanyang anyo. At hindi rin namamalagi sa inyo ang kanyang salita dahil hindi kayo naniniwala sa kanyang sinugo. Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan dahil inaakala ninyong doon kayo magkakaroon ng buhay magpakailanman. Nagpapatunay nga sa akin ang mga iyon ngunit ayaw n’yong lumapit sa akin para mabuhay.
Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao, ngunit kilala ko kayo: wala sa inyong sarili ang pagmamahal sa Diyos. Sa ngalan ng aking Ama ako dumating at hindi n’yo ako tinatanggap; kung sakaling may dumating sa sarili niyang ngalan, siya ang inyong tatanggapin. Paano kayo makapaniniwala kung papuri sa isa’t isa ang hangad n’yo at hindi ang papuring galing sa tanging Diyos ang hangad?
Huwag n’yong akalain na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang nagsasakdal laban sa inyo, siya na inyong inaasahan. Kung pinaniwalaan nga ninyo si Moises, paniniwalaan din sana ninyo ako sapagkat tungkol sa akin siya nagsulat. Ngunit kung hindi n’yo paniniwalaan ang kanyang mga sinulat, paano n’yo paniniwalaan ang aking mga pananalita?
Pagninilay
Patuloy ang konprontasyon ni Jesus at ng mga lider ng Hudyo sa Templo tungkol sa mga saksi na nagpapatunay kung sino si Jesus. Maraming nagpapatunay kay Jesus. Una, ang patunay ni Juan Bautista na naghanda ng daan ni Jesus. Ikalawa, ang mga gawang bigay ng Ama kay Jesus – pagpapagaling ng mga maysakit, pagpapakain ng libong tao mula sa limang tinapay at dalawang isda, at ang mga aral niyang may kapangyarihan. Pangatlo, ang patunay ng Diyos Ama sa pagbaba ng Espiritu Santo at ang kanyang tinig na nagwika, “Ito ang pinakamamahal kong anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya” sa bautismo sa ilog Jordan at sa pagpapanibagong anyo sa burol. Ikaapat, ang mga salita ng Banal na Kasulatan na ipinahayag ng mga propeta at batas ni Moises na natupad kay Jesus. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa rin tinanggap ng mga Hudyo si Jesus dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Hilingin natin sa Panginoon ang biyaya na mabuksan tuwina ang ating mga puso sa pagtanggap kay Jesus upang tayo mismo ay maging patunay niya dito sa mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023