Si Jacob ang ama ni Jose – ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.
Pagninilay
“Ginawa agad ni Jose ang tungkulin niya.” Nang nalaman ni Jose na buntis si Maria, madami ang maaaring maging pasya. Dahil siya’y matuwid, na ang ibig sabihin ay sumusunod siya sa Batas, hindi niya pwede basta panindigan si Maria kung talaga siya’y nagtaksil. Kung hihiwalayan naman niya, magkakaeskandalo naman, baka batuhin pa si Maria hanggang mamatay, na ayon sa nakasulat sa Deuteronomio (Dt. 22:23). Gawa ng kanyang awa, pinilit ni Jose ang pangatlong pagpipilian, na hiwalayan si Maria nang lihim; basta magsulat ng dokumento nang paghihiwalay at magawa ito. Pinag-isipan ni Jose nang mabuti ang kanyang gagawin, at sa proseso ng kanyang “decisionmaking”. Natimbang ang pagtuturo ng Kasulatan, ang takot sa Diyos, at ang awa. Natural na nakaramdam siya ng takot, ngunit nang naliwanagan sa nangyari at inutusan siya ng Anghel, ginawa agad ni Jose ang tungkulin niya. Ngayon, sa araw ng kanyang kapistahan, magsumamo tayo sa pamamagitan ni San Jose na matuto rin tayong gumawa ng mga pasya ayon sa plano at kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025