Ebanghelyo: Mateo 1:16, 18-21, 24a (o Lucas 2:41-51a)
Si Jacob ang ama ni Jose—ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo.
Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapa hiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.”
Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.
Pagninilay
Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang kapistahan ni San Jose, ang Asawa ni Maria. Siya ay isang karpintero at naninirahan sa Nazareth noong panahong siya ay ipinakasal kay Maria. Wala gaanong nababanggit tungkol sa kanya sa Banal na Kasulatan, lalo kung ihahambing sa iba pang mga banal sa Bibliya. Tulad ng halimbawa sa Ebanghelyo ngayon, inilarawan siyang tagapag-alaga ng Mahal na Birheng Maria at ang ama ni Jesus. Sinasabi lamang sa atin ng Ebang-helyo na siya ay isang matuwid na tao.
Bagama’t kakaunti ang nasasabi tungkol sa kanya, marami tayong matututunan sa kanyang mga asal, lalo na sa kanyang pag-aaruga sa mag-ina. Hindi madali ang pina-pa gawa ng Diyos sa kanya, ngunit naatim niya itong gawin. Dahil sa kanyang pananampalataya, nakilala niya ang boses ng Diyos at sinunod ito. Hilingin natin sa Panginoon na tayo rin ay matutong makilala ang kanyang boses at sundin ito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022