Ebanghelyo: Lucas 6:36-38
Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan – isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang mabubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
Pagninilay
“Ang kasalanan ay pumipinsala sa kaugnayan natin sa Diyos.” Nang patapos na sana ang Pagkabihag ng mga Israelita sa Babylonia, dinasal ni Daniel sa Diyos ang panalangin ng pagsisisi na binasa natin sa unang pagbasa. Makikita natin sa kanyang panalangin] na si Daniel ay may tunay na pagsisisi. Ganun pa man, matapos gawin ang panalangin na ito, nagpakita si Anghel Gabriel upang magsabi na tatagal pa ang Pagkabihag nila sa Babylonia gawa ng kanilang mga kasalanan. Pinatatawad talaga tayo ng Diyos kapag tayo’y nagsisisi at nangungumpisal, pero may masamang
epekto ang ating kasalanan na hindi basta mawawala. Ito ang tinatawag natin na temporal punishment. Ang kasalanan ay pumipinsala sa kaugnayan natin sa Diyos, sa Simbahan, sa komunidad, sa sarili, at sa kalikasan. Kailangan ng pagsisikap at panahon para ibalik sa dati ang napinsalang kaugnayan. Sa pamamagitan ng Simbahan, tinatanggap natin ang mga indulgences upang mawala ang temporal punishment sa ating mga kasalanan. Ang pag-iwas sa paninirang puri, ang pagpapatawad, at ang pagiging bukas-palad sa kapwa, ay mga paraan din upang pagtibayan ang kaugnayan natin sa Diyos at sa sambayanan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025