Ebanghelyo: Lucas 9:28b-36
Mga walong araw pagkasabi ni Jesus ng mga salitang ito, isinama niya sina Pedro, Juan at Jaime at umahon sa bundok para manalangin. At habang siya’y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at puting-puting nagningning ang kanyang damit. May dalawang lalaki ring nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias.
Napakita sila sa kaluwalhatian at pinag-uusapan nila ang paglisan ni Jesus na malapit nang maganap sa Jerusalem. Antok na antok naman si Pedro at ang kanyang mga kasama pero pagkagising nila, nakita nila ang kanyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya.
Nang papalayo na ang mga iyon kay Jesus, sinabi ni Pedro sa kanya: “Guro, mabuti at narito tayo; gagawa kami ng tatlong kubol, isa sa iyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi niya alam ang kanyang sinasabi. Nagsasalita pa siya nang may ulap na lumilim sa kanila; at natakot sila pagpasok nila sa ulap. At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Hinirang; pakinggan ninyo siya.”
Pagkasalita ng tinig, nag-iisang nakita si Jesus. Nang mga araw na iyon, sinarili nila ito at walang sinabi kaninuman tungkol sa nakita nila.
Pagninilay
Maraming bundok sa lalawigan ng Quezon, pero ang Pinagbanderahan ang taon-taon kong inaakyat. Sariwa ang hangin, tahimik, at walang signal ang cellphone kaya walang distraction. Laging may kasama ako sa pag-aakyat, at lumalalim ang kaugnayan namin sa isa’t isa dahil sa kakaibang espirituwal na karanasan na minsan lang mangyari. Habang umaakyat, ang kaningningan ng araw na nakakapasok sa kagubatan ay humahaplos sa aming mukha. Tila nag-uudyok sa aming mga kaluluwa na magbibitaw ng maikling panalangin. Sa harap ng kagandahan ng kalikasan, at perpektong balanse ng ekolohiya, nararanasan namin ang kalinga ng Diyos. Walang samo at walang pagsisisi sa aming panalangin, kundi puro pagsamba sa kagalingan at kaluwalhatian ng Diyos.
Nang umakyat sina Pedro, Santiago at Juan sa bundok ng Tabor, kakaibang espirituwal na karanasan ang naganap. Hindi agad nila naunawaan ang nangyari. Pero, unti-unting mauunawaan nila kung sino talaga si Jesus, ang kanilang Guro at kaibigan. Lumalim din ang kanilang kaugnayan sa isa’t isa, dahil sa kakaibang pangyayari.
Sa ebanghelyo, binabanggit ang iba’t ibang elemento na tila pamilyar sapagkat mababasa rin ito sa Matandang Tipan. Ito ay ang tungkol sa bundok, ang Patriyarka, ang Propeta, ang ulap, ang kubol, ang tinig… batid natin kung ano ang kaugnayan ng bawat salita sa kasaysayan ng kaligtasan. Pumaparito ngayon si Jesus, ang Anak, ang Hinirang, upang bigyang kabuluhan ang lahat nang ito. Pakinggan natin siya, ito ang utos ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025