Ebanghelyo: Mateo 20:17-28
Nang umakyat si Jesus sa Jerusalem, isinama niya ang Labindalawa, at habang nasa daan ay sinabi niya sa kanila: “Papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong-pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanya ng kamatayan. Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano para pagtawanan, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit babangon siya sa ikatlong araw.”
Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.”
Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pag-papaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.”
Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pagninilay
Pinapaalala ni Jesus sa kan-yang mga alagad na ang pa-ngunahing pokus o layunin ay ang paglilingkod sa kapwa. Nais ni Jesus na magkaroon sila ng tamang motibasyon sa kanilang gawain. Hindi ito tungkol sa kapangyarihan at pagkilala. Ang kanilang gawain ay ipangaral ang Kanyang salita at maglingkod sa mga tao.
Ang ating motibasyon ay nakaka-lito. Maaari nating lokohin ang ating sarili sa paniniwalang gumagawa tayo ng isang bagay na mabuti para sa iba pa, ngunit ang katotohanan ay gusto rin nating tumanggap ng kapalit. Sikapin natin na maging totoo sa ating mga motibo sa pag-tulong.
Nawa ang ating paninilbihan ay dumadaloy nang simple mula sa ating pagnanais na tumulong. Ang totoong serbisyo ay hindi tungkol sa kapangyarihan o pagkilala. Kung ang ating tulong sa iba ay dumadaloy mula sa pag-ibig, naroroon din ang Diyos!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022