Ebanghelyo: Juan 4:5-42
Kaya dumating si Jesus sa isang bayan ng Samaria na tinatawag na Sikar na malapit sa bukid na ibinigay ni Jacob kay Jose na kanyang anak. Naroon ang bukal ni Jacob. Dala ng pagod sa paglalakbay, basta na lamang naupo si Jesus sa may bukal. Magtatanghaling-tapat ang oras noon. May dumating na babaeng taga-Samaria para sumalok ng tubig at sinabi sa kanya ni Jesus: “Painumin mo ako.” Pumunta na noon sa bayan ang kanyang mga alagad para bumili ng pagkain. Sumagot naman sa kanya ang babaeng Samaritana: “Judio ka, paano mo mahihingi sa akin, na babaeng Samaritana, na painumin kita?” (Sapagkat hindi nakikiIka salamuha ang mga Judio sa mga Samaritano.) Sinabi ni Jesus sa kanya: “Kung alam mo ang Kaloob ng Diyos at kung sino ang nagsasabi sa iyong ‘Painumin mo ako!’ hiningan mo sana siya at bibigyan ka sana niya ng tubig na buhay.” Sinabi sa kanya ng babae: “Wala po kayong panalok at malalim ang balon. Saan po galing ang inyong tubig na buhay? Mas may kakahayahan po ba kayo kaysa aming amang si Jacob? Siya mismo ang nagbigay sa amin ng balon at dito siya uminom pati na ang kanyang mga anak at mga kawan.” Sumagot si Jesus sa kanya: “Mauuhaw uli ang sinumang umiinom sa tubig na ito. Ngunit hindinghindi mauuhaw magpakailanman ang umiinom sa tubig na ibibigay ko sa kanya. Magiging isa ngang bukal sa kanya ang tubig na ibibigay ko, na bubukal tungo sa buhay na magpakailanman.” Sinabi sa kanya ng babae: “Ibigay po ninyo sa akin ang tubig na ito nang hindi na ako mauhaw ni magparoo’t parito pa para sumalok dito.” Sinabi ni Jesus sa kanya: “Hala, tawagin mo ang iyong asawa at pumarito.” Sinabi sa kanya ng babae: “Sa pansin ko’y isa kayong propeta. Sa bundok na ito sumamba ang aming mga ninuno. Ngunit sinasabi ninyong mga Judio na ang Jerusalem ang lugar na dapat sambahan.” Sagot sa kanya ni Jesus: “Maniwala ka sa akin, babae, na dumarating ang oras na sasamba kayo sa Ama at hindi na sasabihing sa bundok na ito ni sa Jerusalem. Sumasamba kayo nang walang alam; sumasamba naman kami nang may alam, dahil sa mga Judio galing ang kaligtasan. Ngunit dumarating ang oras at narito na nga, na sa espiritu at katotohanan sasamba sa Ama ang mga totoong sumasamba. Ganito nga ang hangad ng Ama sa mga sumasamba sa kanya. Espiritu ang Diyos, at sa espiritu at katotohanan dapat sumamba ang mga sumasamba sa kanya. Sinabi sa kanya ng babae: “Alam kong dumarating ang Mesiyas, ang tinatawag na Pinahiran. At pagdating niya, ihahayag niya sa amin ang tanang mga bagay.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siya na siyang nangungusap sa iyo.” Mula sa bayang iyon, marami ang nagsimulang manalig sa kanya sa mga Samaritano dahil sa salita ng babaeng nagpatunay: Sinabi niya sa akin ang lahat kong ginawa.” Kaya pagdating sa kanya ng mga Samaritano, pinakiusapan nila siyang sa kanila lumagi. At lumagi siya roon nang dalawang araw. At mas marami pa ang mga naniwala dahil sa kanyang salita. At sinabi nila sa babae: “Hindi na dahil sa ‘yong pangungusap kaya kami nanalig dahil kami na mismo ang nakarinig, at kinikilala namin na totoo ngang siya ang Tagapagligtas ng mundo.”
Paninilay
Normal sa tao ang magreklamo kapag siya ay nasa kagipitan tulad ng mga taong nabanggit sa unang pagbasa. Dala ng hirap sa disyerto, nag alangan sila kung sinasamahan pa ba sila ng Diyos. Sa ikalawang pagbasa ipinaliwanag na ipinadala ng Diyos ang anak niyang si Jesus sa atin, tanda ng kanyang pagmamahal, pagmamahal na humantong sa pagpatay kay Jesus ng mga hindi naniniwala at naiinggit sa kanya. Siya ang tagapagtanggol sa bayang Israel at sa lahat ng tao sa mundo, bagay na pinatunayan ng babaeng Samaritana sa ebanghelyo. Sa kanyang pakikipanayam kay Jesus, natuklasan nya na si Jesus nga ang Mesiyas na matagal nang hinintay ng bayang Israel. Sa tuwa ng babae, umuwi at inanyayahan nya ang kanyang mga kabaryo na makilala si Jesus. Ang presensya ng Diyos ay sa pamamagitan ni Jesus na ating mananakop na kailanman ay hindi tayo pinabayaan. Malalaman natin ito kung kilalanin natin si Jesus sa pamamagitan ng pagbabasa ng Banal na Kasulatan, pag-aaral nito, pakikinig at pagninilay sa mga pagbasa tuwing tayo ay nagsisimba.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020