Ebanghelyo: Mateo 5:20-26
Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit.
Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay lilitisin. Sinasabi ko naman sa inyo: Ang sinumang magalit sa kanyang kapatid ay lilitisin. Ang sinumang manuya sa kanyang kapatid ay lilitisin sa Sanggunian. At ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid ay nararapat lamang itapon sa apoy ng impiyerno. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos.
Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t di mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.
Pagninilay
Minsan may taong nagsabi sa akin na hindi niya kailangang mangumpisal dahil hindi siya mamamatay- tao, at dahil sumusunod pa naman siya sa Sampung Utos. Mabuti naman kung mabait siya at hindi siya mamamatay-tao. Pero, ang paanyaya ng Diyos sa atin ay hindi “maging mabait lang”. kundi “maging banal”. Tinaas ni Jesus ang standard sa mga sumusunod sa mga Utos ng Diyos.
Kapag minamaltrato natin ang ating kapwa sa pamamagitan ng tsismis, paninirang-puri, o ibang paraan ng pang-aabuso, parang “pinapatay din natin siya” sa isang pang espirituwal na pamamaraan. Sa panalangin ng “Inaamin ko” binabanggit natin ang mga uri ng kasalanan. Hindi lang sa pamamagitan ng “gawa” (pagpatay) nagkakasala ang tao. Nagkakasala rin sa pamamagitan ng “salita” (kapag sinisiraan natin ang kapwa), o ng “pag-iisip” (kapag nagagalit tayo at naghahangad ng masama), o dahil sa atin “pagkukulang” (kapag hindi natin ginagawa ang dapat nating gawin). Ito ang tinatawag natin na “sin of omission”. at dito, napakarami nating kasalanan. Ngayong araw na ito, ano ang pwede mong gawing tulong sa kapwa, o sino kaya ang nangangailangan ng iyong paglilingkod?
© Copyright Pang Araw-araw 2025