Ebanghelyo: Mateo 7:7-12
Humingi at kayo’y bibigyan; maghanap at matatagpuan ninyo; kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakakita ang naghahanap, at pagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang magbibigay ng bato sa kanyang anak kung tinapay ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng ahas kung isda ang hinihingi nito? Kahit masama kayo, marunong kayong magbigay ng mabuting bagay sa inyong mga anak. Gaano pa kaya ang inyong Amang nasa Langit? Magbibigay siya ng mabubuting bagay sa mga hihingi sa kanya.
Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.
Pagninilay
Tayong mga katoliko ay hindi naniniwala sa karma. Hindi kasama sa Doktrina ng Simbahan ang paniniwala tungkol sa reincarnation. Ganun pa man, ginagamit natin ang ekspresyong: oh, kinarma siya! O kaya, “aba, kakarmahin ka!” kapag binibigyan ng babala ang ibang tao tungkol sa kanyang masamang balak.
May panalangin si Ester sa unang pagbasa: “Ibalik mo sa kanila ang binabalak nila”. at talagang masama ang nangyari sa mga nagplano laban sa mga Hudyo. Kung anong binalak nila, yun ang matatanggap nila.
Binigyan tayo ni Jesus ng tinatawag na golden rule. Ito ay ang positibong aspeto tungkol sa bunga ng ating gawa. Sinabi niya: “gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo”. Hindi gawa ng katoliko ang masamang nasa para sa kapwa. Gawa ng isang alagad ni Jesus ang kumilos, magsikap, magplano, at magnais ng kabutihan para sa kanyang kapwa. Kung anong trato na nais nating tanggapin, yun ang trato na ibibigay natin sa iba. Kung ano ang hindi natin gusto na gawin sa atin, ito ang iwasan na gawin sa iba. Ano ang hindi magandang katangian na nakikita mo sa iyong sarili ngayon, na dapat mong baguhin?
© Copyright Pang Araw-araw 2025