Ebanghelyo: Lucas 11:29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay rito kundi ang palatandaan ni Jonas.
At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon at dito’y may mas dakila pa kay Solomon.
Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalikloob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.
Pagninilay
Napakasarap basahin ang aklat ni Jonas. Siya’y isang propetang rebelde sa Diyos. Sa unang utos ng Panginoon na pumunta siya sa Ninive, tumakas siya agad pa Tarshish. Ayaw niyang magpahayag sa mga kalaban niya, dahil alam niya na mahabagin ang Diyos. Sa kanyang panukala, nararapat lang na parusahan ang kalaban, hindi siya sumasangayon sa Diyos na patawarin ang nagsisisi. Sinabotahe ni Jonas, ang propeta ng Diyos, ang mismo niyang pahayag: “Wawasakin ang Ninive sa loob ng apatnapung araw”. Hindi niya binabanggit kung ano ang kamalian nila, ni kung ano ang dapat nilang gawin, ni kung sino ang Diyos na nagpadala sa kanya. Gusto niya na lipulin talaga ng Diyos ang Malaking Siyudad. May pagkakataon ba sa buhay natin, na sinasabotahe natin ang mga plano ng Diyos. Tulad ni Jonas, mas nangingibabaw ba ang poot sa ating puso? Katulad ng rebeldeng propeta, hangad ba natin na magkamali o manatili sa kamalian ang ating mga kalaban, para kunyare tayo ang tama?
Pero, agad na nagsisi ang mga pagano at kinahabagan sila ng Diyos. Sana, tayo’y maging katulad ng mga taga-Ninive na kahit pagano sila, nakinig sila sa pahayag, natakot sa hatol ng Diyos, nagsisi, at nagbago.
© Copyright Pang Araw-araw 2025