Ebanghelyo: Jn 5: 1-16*
Pagkatapos nito, may piyesta ng mga Judio at umahon pa-Jerusalem si Jesus. May isang palanguyan sa Jerusalem na Betzata ang tawag sa Hebreo, malapit sa Pintuan ng mga Tupa. (…) At doo’y may taong tatlumpu’t walong taon nang may sakit. Pagkakita ni Jesus dito na nakahandusay at pagkaalam niya na matagal na ito roon, sinabi niya sa kanya: “Gusto mo bang umigi?” Sumagot sa kanya ang maysakit: “Wala po akong taong makapaghahagis sa akin sa palanguyan kapag nakalawkaw na ang tubig. Habang paroon pa ako, may lumulusong nang una sa akin.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at maglakadlakad!” At dagling umigi ang tao, at binuhat niya ang kanyang higaan at naglakadlakad. (…) Pagkatapos nito, natagpuan siya ni Jesus sa Templo at sinabi niya sa kanya: “Hayan, maigi ka na. Huwag ka nang magkasala pa, at baka may masahol pang mangyari sa iyo.” Umalis ang tao at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpaigi sa kanya. Dahil dito, inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat sa Araw ng Pahinga niya ginawa ang mga ito.
Pagninilay
Madalas nating marinig na mas mabuti ang plano ng Diyos kaysa sa ating mga plano. Patunay dito ang himalang naranasan ng isang lumpong pinagaling ni Jesus. Ang plano niya’y maunang lumusong sa tubig matapos kalawkawin ito ng anghel upang siya’y gumaling. Lingid sa kanyang kaalaman na katabi na pala niya si Jesus na Siyang makapagpapagaling sa kanya. May mas mabuting plano ang Diyos sa kanyang paggaling. Madalas din ay napapako ang ating atensyon sa isang bagay lamang na akala natin ay pagmumulan ng ating kasiyahan o katuparan ng ating mga kahilingan. Subalit, sa ganitong paraan, nalilimitahan naman natin ang kakayanan ng Diyos na kumilos sa ating buhay. Nakapokus tayo sa ating sariling diskarte, lakas, at galing; nakalilimutan naman nating higit ang kapangyarihan ng Diyos kaysa sa atin. Ano kaya kung sa halip na tanungin natin ang ating sarili,“Ano ang kayang kong gawin para matupad ang aking mga plano at mga hangarin?” tanungin naman natin ang ating sarili, “Ano kaya ang kayang gawin ng Diyos upang matupad ang aking mga plano at hangarin?” Marahil, mamumulat ang ating kamalayan na ang lahat ng mabuting bagay ay nasa kamay ng Maykapal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024