Ebanghelyo: Juan 4:5-42
Kaya dumating siya sa isang bayan ng Samaria na tinatawag na Sikar na malapit sa bukid na ibinigay ni Jacob kay Jose na kanyang anak. Naroon ang bukal ni Jacob. Dala ng pagod sa paglalakbay, basta na lamang naupo si Jesus sa may bukal. Magtatanghaling-tapat ang oras noon. May dumating na babaeng taga-Samaria para sumalok ng tubig at sinabi sa kanya ni Jesus: “Painumin mo ako.” Pumunta na noon sa bayan ang kanyang mga alagad para bumili ng pagkain.
Sumagot naman sa kanya ang babaeng Samaritana: “Judio ka, paano mo mahihingi sa akin, na babaeng Samaritana, na painumin kita?” (Sapag kat hindi nakikisalamuha ang mga Judio sa mga Samaritano.) Sinabi ni Jesus sa kanya: “Kung alam mo ang Kaloob ng Diyos at kung sino ang nagsasabi sa iyong ‘Painumin mo ako!’ hiningan mo sana siya at bibigyan ka sana niya ng tubig na buhay.” Sinabi sa kanya ng babae: “Wala po kayong panalok at malalim ang balon. Saan po galing ang inyong tubig na buhay? Mas may kakahayahan po ba kayo kaysa aming amang si Jacob? Siya mismo ang nagbigay sa amin ng balon at dito siya umi nom pati na ang kanyang mga anak at mga kawan.” Sumagot si Jesus sa kanya: “Mauuhaw uli ang sinumang umiinom sa tubig na ito. Ngunit hinding-hindi mauuhaw magpakailanman ang umiinom sa tubig na ibibigay ko sa kanya. Magiging isa ngang bukal sa kanya ang tubig na ibibigay ko, na bubukal tungo sa buhay na magpakailanman.”
Sinabi sa kanya ng babae: “Ibigay po ninyo sa akin ang tubig na ito nang hindi na ako mauhaw ni mag paroo’t parito pa para sumalok dito.” Sinabi ni Jesus sa kanya: “Hala, tawagin mo ang iyong asawa at pumarito.”
Sumagot ang babae: “Wala akong asawa.” Sinabi naman sa kanya ni Jesus: “Mahusay ang sabi mong wala kang asawa, sapagkat nagkaroon ka ng limang lalaki, at hindi mo asawa ang lalaki mo ngayon. Totoo nga ang sinabi mo.”
Sinabi sa kanya ng babae: “Sa pansin ko’y isa kayong propeta. Sa bundok na ito sumamba ang aming mga ninuno. Ngunit sinasabi ninyong mga Judio na ang Jerusalem ang lugar na dapat sambahan.”
Sagot sa kanya ni Jesus: “Maniwala ka sa akin, babae, na dumarating ang oras na sasamba kayo sa Ama at hindi na sasabihing sa bundok na ito ni sa Jerusalem.
Sumasamba kayo nang walang alam; sumasamba naman kami nang may alam, dahil sa mga Judio galing ang kaligtasan. Ngunit dumarating ang oras at narito na nga, na sa espiritu at katotohanan sasamba sa Ama ang mga totoong sumasamba. Ganito nga ang hangad ng Ama sa mga sumasamba sa kanya. Espiritu ang Diyos, at sa espiritu at katotohanan dapat sumamba ang mga sumasamba sa kanya. Sinabi sa kanya ng babae: “Alam kong dumarating ang Mesiyas, ang tinatawag na Pinahiran. At pagdating niya, ihahayag niya sa amin ang tanang mga bagay.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siya na siyang nangungusap sa iyo.”
Sa sandaling ito, dumating ang kanyang mga alagad, at nagtaka sila’t nakikipagusap siya sa isang babae. Gayun ma’y walang nagtanong: “Ano’ng hinahanap mo? o: Ba’t ka nakikipagusap sa kanya?” Iniwan ng babae ang kanyang tapayan at patakbong bumalik pabayan, at ipinagsabi niya sa mga tao: “Halikayo para makita ang isang taong nag sabi sa akin ng lahat kong ginawa. Hindi kaya ito ang Mesiyas?” Kaya lumabas sila ng bayan at pumunta sila sa kanya.
Samantala, pinakiusapan siya ng mga alagad: “Rabbi (o Guro), kumain ka na.” Sumagot naman si Jesus: “May makakain ako, pagkain itong hindi ninyo alam.” Kaya nagusapusap ang mga alagad: “May nagdala kaya sa kanya ng makakain.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Pagkain ko’y isagawa ang kalooban ng nagpadala sa akin at ganapin ang kanyang gawa. Di ba’t sinasabi n’yong ‘Apat na buwan na lang at anihan na? Pero sinasabi ko sa inyo: tumunghay kayo at masdan, namumuti na ang mga bukirin para anihin. Tumatanggap na ng upa ang mga tagaani at nagtitipon ng bunga para sa buhay na magpakailanman. At magkasamang magagalak ang tagahasik at ang taga-ani. Totoo nga ang kasabihang iba ang naghahasik at iba ang nagaani. Isinugo ko kayo para magani sa hindi ninyo pinagpaguran. Iba ang nagpagod at kayo ang sumalo sa kanilang pagod.”
Mula sa bayang iyon, marami ang nagsimulang manalig sa kanya sa mga Samaritano dahil sa salita ng babaeng nagpatunay: Sinabi niya sa akin ang lahat kong ginawa.” Kaya pagdating sa kanya ng mga Samaritano, pinakiusapan nila siyang sa kanila lumagi. At lumagi siya roon nang dalawang araw. At mas marami pa ang mga naniwala dahil sa kanyang salita. sinabi nila sa babae: “Hindi na dahil sa ‘yong pangungusap kaya kami nanalig dahil kami na mismo ang nakarinig, at kinikilala namin na totoo ngang siya ang Tagapagligtas ng mundo.”
Pagninilay
Hindi pangkaraniwan para sa mga Hudyo at Samaritano ang pagtatagpo ni Jesus at ng babaeng Samaritano. Hindi mabuti ang kanilang relasyon sapagkat mababa ang pagtingin ng mga Hudyo sa mga Samaritano na hinahambing nila sa mga aso. Dagdag pa sa pagiging Samaritano, isa siyang babaeng kilalang makasalanan na nagkaroon ng limang asawa bukod sa kanyang kinakasama na hindi nya asawa. Paglabag sa hangganan ang naganap na pagtatagpo. Sa kanyang pakikipagusap at paghingi ng tubig sa babae, tumawid siya sa buhay at kultura ng mga Samaritano. Ipinaalam Niya na ang tubig ng buhay ang siyang magpupuno sa tapayan ng babae at papawi ng kanilang uhaw.
Nagpakilala Siya sa mga taong di tanggap ng mga Hudyo at sa mga makasalanan gaya ng babaeng ito. Sa Kanyang pagpapakilala sa kanila, binuksan Niya ang daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya.
Misyon ng Panginoong Jesus na ipakilala ang Banal na Awa ng walang pagtatangi, maging anuman ang kultura o pagkatao. Nais ibahagi ng Diyos ang tubig ng buhay na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ito rin ang misyon ng Kanyang simbahan, tayong tumanggap ng biyaya sa pamamagitan ng ating binyag. Ibahagi ang tubig ng buhay ni Jesus sa mga nauuhaw sa pananampalataya at sa mga pusong pinatigas ng kasalanan. Sa pagsasariwa ng ating pangako sa binyag sa darating na Sabado de Gloria at Linggo ng Pagkabuhay, ating tanggapin si Jesus, ang Tubig ng Buhay, at ibahagi ito sa lahat lalo’t higit sa mga nauuhaw sa Kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023