Ebanghelyo: Mateo 20:17-28
Nang umakyat si Jesus sa Jerusalem, isinama Niya ang Labindalawa, at habang nasa daan ay sinabi Niya sa kanila: “Papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong-pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa Kanya ng kamatayan. Kaya ibibigay nila Siya sa mga pagano para pagtawanan, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit babangon Siya sa ikatlong araw.” Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa Niyang anak, at lumuhod sa harap Niya para makiusap. Tinanong Siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong- anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.” Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, Siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, Siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang Kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pagninilay:
Sa ebanghelyo, sinabi mismo ni Jesus na ang sumusunod sa kanya ay maghihirap din na katulad niya. Sinuman ang gustong sumama sa kanya ay dapat na maghandang tumanggap ng hirap dahil ang landas ng kaharian ng Diyos ay hindi madali. Ang pagsunod kay Jesus ay tiyak na magdudulot ng pagkakahati-hati ng mga tao. Hindi- lahat ay manininwala sa kanya. May mga susunod at may mga tatanggi. Ipaglalaban ng bawat grupo ang kani-kanilang pinaniniwalaan. Maliwanag sa turo ni Jesus na ang kanyang ipinarito sa mundo ay upang magsilbi, hindi upang pagsilbihan. Hindi natin alam kung nakikinig ang mga taong kanyang kinakausap dahil iba sa sinasabi ni Jesus ang kanilang interpretasyon sa kapangyarihan. Hiniling pa ng nanay nina Jaime at Juan na uupo sana sa kanan at sa kaliwa ni Jesus ang magkapatid pagdating sa kaharian ng Diyos. Marahil ay nalungkot si Jesus sa hiling ng nanay. Kasasabi lang niya na ang tunay na kapangyarihan ay ang pagsilbi sa isa’t isa pero hindi naintindihan ng kanyang mga kausap. Ganyan ang nangyayari kapag hindi tayo nakikinig sa Diyos. Nawawala tayo sa landas dahil sarili lang natin ang ating pinakikinggan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020