Ebanghelyo: Mateo 25:31-46
Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ng lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono. Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwa-hiwalayin ang mga tao. Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa.
Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: ‘Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako’y hubad, dinamitan ninyo ako; nang maysakit ako, binisita ninyo ako. Nang ako’y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.’
At itatanong sa kanya ng mabubuti: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan?
Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?’ Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.’
Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: ‘Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko tungo sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito! Sapagkat nagutom ako at di ninyo binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo pinainom, naging dayuhan ako at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita.’
Kaya itatanong din nila: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, maysakit o nakabilanggo, at di ka namin pinaglingkuran?’ Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang di ninyo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.’ At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”
Pagninilay
Noong 2015, nang bumisita si Papa Francisco sa Pilipinas, inanyayahan ang bawat katoliko na magbalik-tanaw sa mga Gawa ng Awa, o “Works of Mercy”. Pero, ano nga ba ang Awa? Ayon kay Santo Tomas, “Ang Awa ay isang mabuting gawi, o virtue. Ito ang habag o pakikiisa na nadarama natin para sa pagdurusa ng kapwa. Ito ang humihimok sa atin upang tumulong.” Kapag nakikita natin ang kalagayan ng ating kapwa na nahihirapan, ramdam natin ang kahilingang tumulong sa kanila.
May dalawang uri ng Gawa ng Awa: Pisikal at Espirituwal. Ang pitong Pisikal na Gawa ng Awa ay nakaugat sa talinhaga ng Huling Paghuhukom na ating binasa ngayon, at makakatulong sa mga materyal o pisikal na mga pangangailangan ng ating kapwa. Ito ay ang Pagbibigay ng pagkain sa nagugutom, ang Pagbibigay ng maiinom sa nauuhaw, ang Pagbibigay ng damit sa walang kasuotan, ang Pagpapasilong sa walang matitirahan, ang Pagdalaw sa maysakit, ang Pagdalaw sa nasa bilangguan, at ang Pagtulong sa paglilibing ng mga yumao. Sinabi ni Jesus na kung ginagawa natin ito sa mga maliliit na kapatid natin, sa Kanya natin ito ginagawa. Dahil dito, tayo’y tatawaging “pinagpala ng Ama”. Ipagdasal natin na maramdaram natin ang Kaloob ng Awa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025