Ebanghelyo: Mateo 23:1-12
At sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitang-tao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. “Huwag kayong patawag na guro sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na gabay sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”
Pagninilay
Sa ebanghelyo, pinangalanan ni Jesus ang mga nagtuturo sa Batas. Sila ang pumalit kay Moses na nagtuturo sa mga tao. Meron lang problemang nakita si Jesus. Hindi nila ginagawa ang kanilang iniuutos sa mga tao. Ang utos ni Moses ay ginawa nilang pasaning mabigat sa mga tao, pero sila mismo ay hindi sumusunod. Kaya ang sabi ni Jesus, sundin ang kanilang sinasabi pero huwag sundin ang kanilang ginagawa. Nais ni Jesus para sa isang guro na sana ang itinuturo ay ginagawa at ang ginagawa ay bunga ng kanyang itinuturo. Hindi sa damit o kung anumang suot ng isang guro nakikita ang ang kanyang katapatan bilang isang guro. Baka tayo madala lamang sa panlabas na anyo ng isang tagapagturo sa Magandang Balita kaya nagpaalala si Jesus na iisa ang ating guro, iisa ang ating Ama at sila ang ating papakinggan. Napakahalaga sa isang tagapagturo ang tinatawag na “credibility”. Kung wala ito, walang maniniwala sa kanya. Hamon ito sa ating lahat. Kung gusto nating maging kapanipaniwala kailangan ang katotohanan. Totoo tayo sa salita at sa gawa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020