Ebanghelyo: Lucas 16:19-31
“May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piyesta ang kanyang buhay sa araw-araw. Nakahandusay naman sa may pintuan niya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad siya ng mga sugat at gusto sana niyang kainin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang mga sugat. At namatay ang dukha at dinala siya ng mga anghel sa piling ni Abraham.
Namatay rin naman ang mayaman at inilibing. Nang nasa impiyerno na siya, tumingala siya sa kanyang pagdurusa at natanaw sa malayo si Abraham at si Lazaro sa piling nito. Kaya sumigaw siya: ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri para paginhawahin ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.’
Sumagot si Abraham: ‘Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya siya ngayon ang nasa ginhawa at ikaw ang nagdurusa. At isa pa’y malawak na kabundukang di matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid ang mga may gustong pumunta riyan galing dito, at hindi rin naman makatatawid ang mula riyan papunta rito.’
Sumagot ang mayaman: ‘Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro sa bahay ng aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid para babalaan sila upang di sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.’ Sumagot si Abraham: ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, makinig sila sa mga ito.’ Sinabi niya: ‘Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’
Sinabi ni Abraham: ‘Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang mga propeta, bumangon man ang isa sa mga patay ay hindi pa rin sila maniniwala.’”
Pagninilay
Bakit malapit sa puso ng Panginoon ang mga dukha? Bakit may tinatawag na preferential option for the poor ang Simbahan? Simula pa lang sa Lumang Tipan ay malapit na sa puso ng Panginoon ang mga dukha. Sila ang tinatawag na Anawim – ang mga balo, mga bata at mga dukha. Dahil sa kanilang kalagayan, ang Panginoon ang kanilang kanlungan. Sa ebanghelyo tungkol kay Lazaro at isang mayamang tao, makikita natin ang riyalidad ng buhay. Samantalang ang mga mayayaman at makapangyarihan ay nagpapakasasa sa kanilang kayamanan, may mga kapatid tayong walang makain, walang mainom at walang masilungan. Kung kaya’t ipinapakita sa ebanghelyo ang katarungan ng Diyos kung saan ang mga naghihirap sa mundong ibabaw ay pagkakalooban ng mainam na lugar sa kaharian ng Diyos. Ang mga pinagkaitan sa mundo ay makikibahagi sa hapag ng Panginoon sa kaharian ng langit. Hindi masama ang pagiging mayaman kundi ang kasakiman at kawalang pakialam sa iba. Sa tuwina’y nagpapaalala ang Simbahan na bigyang pansin ang mga dukha sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagiging mapagbigay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023