Ebanghelyo: Lucas 6:36-38
Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan – isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang mabubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
Pagninilay
Sa ebanghelyo ni San Lucas, muling ipinahiwatig na mapagpatawad nga ang Panginoon sa anumang kasalanan ng tao. Kailangan lang na tanggapin ng tao ang kanyang pagkakamali at humingi ng tawad, tanda ng kanyang pagpapakumbaba sa Diyos. Kung ang Diyos ay mapagpatawad at tayong mga tao ay kawangis ng Diyos, di kaya hinahamon tayo ng ebanghelyo na maging katulad ng Diyos na mapagpatawad? Hindi nga madali ang magpatawad lalo na kung ang sugat na tinamo ay malalim at matindi. Ngunit kung ang sugat na yan ay dala- dala natin habang buhay, di kaya lalo tayong mahihirapan araw araw? Ang sugat na di nahihilom dahil walang kapatawaran ay lumalala. Tumitindi ang galit at pagkamuhi na maaaring humantong sa patayan o paggawa ng masama sa kapwa tao bilang pagganti sa tinamo nating sugat. Sa huli, tayo rin ang lugi. Samantalang ang pagpapatawad ay nakapagdudulot ng kaginhawaan, tanda ng magandang kalooban, tunay na kawangis ng Lumikha sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020