Ebanghelyo: Mateo 20:17-28
Nang umakyat si Jesus sa Jerusalem, isinama niya ang Labindalawa, at habang nasa daan ay sinabi niya sa kanila: “Papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong-pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanya ng kamatayan. Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano para pagtawanan, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit babangon siya sa ikatlong araw.”
Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.”
Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.”
Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pagninilay
Hangad tuwina ng isang mabuting ina ang kabutihan ng kanyang mga anak. Ito rin ang layon ng ina ng mga anak ni Zebedeo sa kanyang hiling kay Jesus na pagkalooban ng magandang posisyon ang kanyang mga anak sa kanyang kaharian, sa kanyang kanan at kaliwa. Subalit hindi nauunawaan ng kanilang ina ang hinihiling nito. Isang makamundong kaharian ang iniisip nito kung saan makapangyarihan ang may katungkulan. Ipinaliwanag ni Jesus na sa kanyang kaharian, hindi sukatan ang kapangyarihan kundi ang mapagpakumbabang paglilingkod na nangangailangan ng paghahandog ng sarili. Maging ang iba pang mga alagad ay hindi pa lubusang nakaunawa nito, kaya’t nagalit sila sa dalawang magkapatid. Sinabi sa kanila ni Jesus na kung sino man ang nais maging dakila ay kailangang maging lingkod ng lahat. Ipinakita ito ni Jesus sa paghuhugas niya ng kanilang paa sa huling hapunan at sa kanyang pagaalay ng sarili sa krus para sa kaligtasan ng lahat.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023