Ebanghelyo: Mateo 17:1-9
Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at ang kapatid nitong si Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. Nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila: nagningning gaya ng araw ang kanyang mukha at kuminang na putingputi ang kanyang damit gaya ng liwanag. At napakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. Kaya nagsalita si Pedro at sinabi niya: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Kung gusto mo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” Nagsasalita pa si Pedro nang takpan sila ng makinang na ulap. At mula sa ulap ay narinig ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, ang aking Hinirang; pakinggan ninyo siya.” Nang marinig iyon ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa, na takot na takot. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinipo, at sinabi: “Tumayo kayo, huwag matakot.” At pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus. At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay.”
Pagninilay
Ang mga pagbasa sa araw na ito ay tungkol pa rin sa pagsugo. Tinawag ng Diyos si Abraham sa edad na pitumput-limang taon. Malamang ay nagulat si Abraham at nahirapang sumang-ayon dahil maraming bagay ang kinakailangang mabago. Iiwan niya ang kanyang bayan, ang kanyang kabuhayan, mga kaibigan at kanayon, ang kanyang bahay at mga alaga dahil hindi naman niya pwedeng dalhin lahat ang kanyang mga ari-arian. Pero nakinig siya, naniwala, isina-Diyos niya ang lahat at lumisan. Ang pangalawang pagbasa, ay paanyaya rin na makibahagi sa gawaing pagsisiwalat sa Ebanghelyo, gaano man ito kahirap. At sa gawaing ito kailangan ding iwanan ang ilang bagay tulad ng mga nakasanayang di kanaisnais na pag-uugali, mga pananaw na di angkop sa Magandang Balita at kadalasan kailangan ding iwanan ang barkadang siyang nagtutulak sa atin sa di mabuting bagay. Sa Ebanghelyo, si Jesus ang tumawag at nagpasama sa kanyang mga alagad na umakyat sa bundok kung saan nila naranasan ang masabi nating kaginhawaan, bagay na nag udyok kay Pedro para hilingin na manatili sila roon. Dito sa bundok naipakilala ang pagkatao ni Jesus, Siya ang isinugo ng Ama na dapat pakinggan. Siya ang dapat sundin at kung Siya ang masusunod, hindi dapat manatili sa kalagayang komportable para sa sarili lamang. Kailangang humayo, umalis sa tinagurian ni Papa Francisco na “comfort zone” upang makibahagi, makilahok, makiisa sa mga mahihirap. Ang pananatili sa “comfort zone” ay hindi naaayon sa Magandang Balita lalo na kung ang pamumuhay ng isang namumuno sa simbahan o tagapahayag ng Magandang Balita ay para pagsilbihan siya ng iba.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020