Ebanghelyo: Mateo 9:14-15
Noo’y lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?”
Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.
Pagninilay
Sa unang pagbasa makikita natin na mali ang panukala ng mga Israelita tungkol sa pagaayuno: ginagawa nila ito upang pumabor ang Diyos sa kanilang hiling. Matapos ang pagkawasak ng Jerusalem at pagtatapon sa kanila sa Babilonia, sila’y nagayuno ng dalawang beses sa isang taon sa loob ng pitong taon para lang kumampi ang Diyos sa kanila. Sa panukala nila, sila ay mga biktima at walang natanggap na katarungan sa nangyari sa kanila. Pero, habang sila’y nag-aayuno, pinagmalupitan nila ang mga dayuhan at dukha, hindi sila nagpapakita ng awa. Kaya sinabihan sila ng Diyos sa pamamagitan ng propeta na walang kabuluhan ang kanilang pag-aayuno.
Ano kaya ang tamang asal habang nag-aayuno tayo? Kinalulugdan ng Diyos ang ating mga sakripisyo kung may kasamang pag-iwas sa bawat uri ng corruption, magbayad ng tamang sahod sa mga empleyado, at magbigay ng tulong sa mga nangangailangan. Sa ganitong paraan, magigi tayong kalugud-lugod sa harap ng Panginoon.
© Copyright Pang Araw-araw 2025