Ebanghelyo: Mateo 23:1-12
At sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitangtao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal.
Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao.
“Huwag kayong patawag na guro sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na gabay sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang nag papakababa.”
Pagninilay
Hindi lahat ng mabuting gawa ay mula sa kabutihan ng puso. May mga mabuting gawa na nagtataas ng personal na interes upang mapapurihan ang sarili at kalugdan ng iba. Isa itong pakitangtao lamang. Binalaan ni Jesus ang kanyang mga alagad na magingat hindi lamang sa iba maging sa kanilang mga sarili, upang di matulad sa mga pariseo at mga guro ng Batas na nabubuhay sa pagpapaimbabaw. Kinilala ni Jesus na mahusay ang kanilang pagtuturo ng batas ngunit hindi ang kanilang halimbawa. Nangangahulugan ito ng pagbibigay ni Jesus ng halaga sa ugali at gawi ng tao at hindi lang sa pagsunod sa kung ano ang naka sulat sa batas. Magiging mas makabuluhan ang gawa ng tao kung mula ito sa mabuting kalooban ng puso. Mainam na bigyang panahon ang pagsiyasat sa ating mga kalooban at gawa upang ito’y maging tunay at dalisay at hindi pakitangtao lamang.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023