Ebanghelyo: Mateo 5:43-48
Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat Niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak Niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan. Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Mga utos pa rin ng Diyos ang tinutumbok ng ating mga babasahin. Sa ating pagkakaalam ito ay mga batas na dapat sundin. May tonong sapilitang gawin o iwasan. Ngunit sa pagtuturo ng mga rabbi o mga guro ng mga Judio ito ay itinuturing nilang mga gabay sa pamumuhay ng isang sumasampalataya sa Diyos. Kaya nga muling binabanggit ni Jesus ang pagkakaiba ng isang anak ng Diyos at ng isang mangongotong o kaya’y pagano. Ang pagiging ganap na anak ng Diyos ay ang mamuhay ng ayon sa anyo ng Diyos, mapagmahal sa lahat kahit sa mga kaaway. Hindi nga madali ang magmahal sa kaaway lalo na kung ito ay tigasin, mapanlait, mayabang, mata-pobre, at iba pa. May mga tao sa buhay natin na mahirap patawarin at mahirap mahalin. Ngunit ito nga ang hamon ni Jesus; ang mahalin ang mga kaaway. Ang pagmamahal ay kusa, hindi sapilitan. Kung may kaaway ka, panahon na upang kumilos. Tanggapin ang hamon ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020