Ebanghelyo: Juan 8:1-11
Pumunta naman si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. Maaga siyang muli sa Templo, at naglapitan sa kanya ang lahat ng tao, at pagkaupo niya’y, nangaral siya sa kanila. Dinala naman ng mga guro ng Batas at ng mga Pariseo ang isang babaeng huling-huli sa pakikiapid. Pinatayo nila siya sa gitna, at sinabi nila kay Jesus: “Guro, huling-huli sa akto ang babaeng ito na nakikiapid. Iniutos sa amin ni Moises sa Batas na batuhin ang ganitong mga babae; ano naman ang sabi mo?” Sinabi nila ito bilang pagsubok sa kanya upang may maiparatang sila sa kanya. Yumuko naman si Jesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. Nang magpatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumindig siya at sinabi sa kanila: “Ang walang sala sa inyo ang unang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa. Ang mga nakarinig nama’y isa-isang nag-alisan mula sa matatanda, at naiwan siyang mag-isa pati ang babae na nasa gitna. Tumindig si Jesus, at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan sila? Wala bang humatol sa iyo?” At sinabi niya: “Wala, Panginoon.” Sinabi ni Jesus: “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka at mula ngayo’y, huwag nang magkasala pa.”
Pagninilay
“Hindi rin kita hahatulan.” Mayroon ka bang madilim na kahapon? Pakiramdam mo ba na bilanggo ka ng iyong nakaraan? May santo na nagwika, “Walang makasalanan na walang kinabukasan. At walang banal na walang nakaraan. Sa Unang pagbasa, binibigyang pag-asa ni Propeta Isaias ang mga Israelita na napatapon sa Babilonia. Inanyayahan nya na mabuhay sila sa “ngayon” sa halip na sa “kahapon.” Sa Ikalawang pagbasa, ipinahahayag ni San Pablo na ang sikreto ng tunay na kalayaan ay ang malalim na pagkilala at ugnayan sa Panginoong Jesus. Kapag si Jesus ang ating sentro at buhay, aariin nating walang halaga at walang kabuluhan ang lahat ng bagay. Sa Ebanghelyo, masasaksihan natin si Jesus bilang tagapaglaya ng bihag ng kasalanan. Ito ang naranasan ng babaeng nahuli sa pakikiapid. Dinala sya ng mga guro ng batas at mga pariseo kay Jesus, upang makakuha ng ipaparatang sa kanya. Subalit nasasaliksik ng Panginoong Jesus ang kanilang maruming isipan at pagmamalinis. Bakit nila nahuli ang babae sa aktong pakikiapid, kung hindi sila nagmamasid. Sa kanilang paghahanap ng gusot, hindi sila nakalusot kay Jesus. Samantala, sa halip na husgahan ang
babae, pinagkalooban sya ni Jesus ng kapatawaran at inayayahan sa isang bagong buhay na malaya sa kasalanan. Ano man ang ating nakaraan, kung tayo’y magsisisi at manunumbalik sa Diyos, hindi hadlang ang madilim na nakalipas upang pagkalooban Niya tayo ng maaliwalas na bukas. Sapagkat si Jesus ang Alpha at ang Omega. Siya ang Diyos ng ating kahapon, ngayon at bukas.
© Copyright Pang Araw-araw 2025