Ebanghelyo: Lucas 9:22-25
Sinabi nga ni Jesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.”
Sinabi naman ni Jesus sa lahat: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan ng kanyang sarili alang-alang sa akin ay siyang makapagliligtas nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?
Pagninilay
Sa ebanghelyo sa Miyerkules ng Abo, pinaalala na ang Diyos, na Siyang nakakakita sa mga lihim nating mga mabubuting gawa, gaya ng pagbibigay ng limos, pananalangin, at pagaayuno ang magbibigay sa atin ng gantimpala. Kung hahangarin natin ang papuri ng mga tao, di ba ito’y parang paghahangad na rin na makatanggap ng “bayad”? Ang paghahanap sa kaluwalhatian ng Diyos, imbes sa atensyon o papuri ng tao, ay isang dakilang uri nang pagtatakwil ng sarili.
Sadyang may mga krus na darating sa buhay na hindi natin kailanman maiiwasan. Ito’y kinakailangan nating buhatin o batain bilang mga alagad ni Jesus. Sa mga ganitong pagkakataon, tayo’y inaanyayahan ng Panginoon na magkaroon ng mahabang pasensya, pag-aralang tumahimik at pagnilayan ang buhay natin, at manatiling maunawain sa harap ng mga pagsubok. Madali lang ang magreklamo, ang fingerpointing, o ang paghahanap ng mali sa kapwa kapag hindi natin gusto ang isang sitwasyon. Kung ganyan ang ugali natin, hindi natin papasanin ang krus bilang isang alagad. Sa halip, may bigat sa dibdib na ito’y ating hihilahin na may pait at galit sa puso.
Kung nais nating magkaroon ng bahagi sa Muling Pagkabuhay ni Jesus, samahan natin Siya sa kanyang pagpapakasakit at kamatayan sa krus.
© Copyright Pang Araw-araw 2025