Ebanghelyo: Lucas 6:36-38
“Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain”.
“Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan—isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang mabubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
Pagninilay
Si Jesus ang mukha ng pagiging mahabagin ng Diyos. Sa kanyang mga gawa ng awa tulad ng pagpapagaling sa maysakit, pagpapakain sa mga nagugutom, pag-aaruga sa mga tao bilang Pastol ng kawan, naranasan ng sangkatauhan ang magiliw na puso ng Diyos, lalo na ng mga dukha at nasa laylayan. Subalit pinaaalalahan din tayo na ang Diyos ay matuwid nang magwika si Jesus na “ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring ga gamiting panukat sa inyo.” Tuwina’y nagmamasid ang Diyos sa ating mga gawa. Lalo na sa pakikitungo natin sa mga dukha at mabababa na malimit maging biktima ng pagkakait, pandaraya at pangaapi. Malapit ang puso ng Panginoon sa mga maliliit, na ang Diyos lamang ang kanilang kanlungan. Isang hamon para sa atin na kumikilala sa Diyos bilang ating Ama, na maging mahabagin at matuwid tulad Niya upang marapat tayong tawaging mga anak ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023