Ebanghelyo: Juan 7:40-53
Kaya sa maraming taong nakarinig sa mga salitang ito: “Totoo ngang ito ang Propeta.” Sinabi naman ng iba: “Ito ang Mesiyas.” Ngunit sinabi ng iba pa: “Sa Galilea ba manggagaling ang Mesiyas? Di ba’t sinabi ng Kasulatan, na sa binhi ni David at mula sa Betlehem na nayon ni David galing ang Kristo?” Kaya nahati ang mga tao dahil sa kanya. Balak ng ilan sa kanila na dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay. Kaya nagbalik ang mga bantay ng Templo sa mga punongpari at mga Pariseo, at sinabi naman ng mga ito sa kanila: “Ba’t di n’yo siya dala?” Sumagot ang mga bantay: “Kailanma’y wala pang taong nangusap gaya ng pangungusap ng taong ito.” Kaya sinagot sila ng mga Pariseo: “Nalinlang din pala kayo! May mga pinuno ba o Pariseong nanalig sa kanya? Pero ang mga taong ito na hindi alam ang Batas: mga isinumpa sila!” Nagsalita ang isa sa kanila, si Nicodemo. Siya ang nagpunta kay Jesus noong una. At sinabi niya: “Hinahatulan ba ng ating Batas ang sinuman nang hindi muna siya dinidinig para alamin ang kanyang ginagawa?” Sumagot sila sa kanya: “Taga-Galilea ka rin ba? Saliksikin mo’t tingnan, mula Galilea’y walang lumilitaw na Propeta.” At umuwi ang bawat isa sa kanila.
Pagninilay
“Ito ang Mesiyas.” Usong uso ngayon ang “unboxing” ng mga bagay bagay. Excited tayo na malaman kung ano ang laman ng kahon. Ang nakakalungkot lang pagdating sa kapwa tao, hindi natin ma “practice” ang “unboxing” o paglampas sa nakikita sa panlabas upang alamin at unawain
kung ano ang nasa kalooban ng ating kapwa. Mas madali kaseng magkahon at sabihin na kilala na natin ang ating kapwa. Sa ebanghelyo, makikita natin kung paanong naging biktima si Jesus ng pagkakahon ng mga Judio, punong pari, at mga pariseo. Ikinahon nila si Jesus bilang taga Galilea lang. Sa kabila ng kanilang paghanga sa Kanyang kakaibang turo at pangaral, sa kabila ng nararamdaman nilang pagsibol ng pananalig, dahil sa ikinahon na nila si Jesus, hindi nila matanggap na may magmumulang propeta sa Galilea. Kung nag “unboxing” sana sila kay Jesus upang kikilalanin siya, matutuklasan nila na bagama’t Siya ay taga Galilea, Siya ay isinilang sa bayan ng Bethlehem, at ang kanyang ugat ay mula sa lahi na David. Kung lalampas sila sa kahon, makikilala nilang si Jesus ang Mesiyas. Ang taong di nagkakahon sa Diyos, sa sarili at kapwa ay mamamangha sa matatagpuan nya sa buhay na di maubos na biyaya.
© Copyright Pang Araw-araw 2025