Ebanghelyo: Juan 7:1-2, 10, 25-30
Pagkatapos nito, naglibot si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea dahil balak siyang patayin ng mga Judio. Malapit na ang piyesta ng mga Judio, ang piyesta ng mga Kubol. Pagkaahon ng kanyang mga kapatid sa piyesta, umahon din naman siya pero palihim at hindi lantad. Kaya sinabi ng ilang taga-Jerusalem: “Di ba’t ito ang balak nilang patayin? Pero tingnan n’yo’t lantaran siyang nangungusap, at wala silang anumang sinasabi sa kanya. Alam nga kaya ng mga pinuno na siya ang Kristo? Pero alam natin kung saan siya galing. Ngunit pagdating ng Kristo, walang makaaalam kung saan siya galing.” Kaya nang mangaral si Jesus sa Templo, pasigaw niyang sinabi: “Kilala n’yo nga ako at alam n’yo kung saan ako galing! Ngunit hindi ako pumarito sa ganang sarili ko. Ipinadala ako ng Totoo na hindi n’yo kilala. Kilala ko siya pagkat sa kanya ako galing at siya ang nagsugo sa akin.” Balak nilang dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay sapagkat hindi pa sumasapit ang kanyang oras.
Pagninilay
“Sinugo ng Ama.” Ang tunggalian ng masama at mabuti ay isang katotohanan sa ating buhay. Sa Unang Pagbasa, makikita natin ang pagpaplano ng mga masama kung paano nila pahihirapan, susupilin at papatayin ang mga mabuti. asama, dapat mawala sa kanilang landas ang sinumang hadlang sa kanilang masamang binabalak. Dahil sa mali at baluktot na pagiisip, para sa kanila ang presensya ng mabuting tao ay nagsisilbing konsensya na dapat patahimikin. Sa ating Ebanghelyo, nais ding patahimikin ang Panginoong Jesus ng mga Judyo. Matagal na nila syang minamamatyagan. Matagal na nila syang balak dakpin at patahimikin. Itinuturing nila si Jesus na malaking hadlang, balakid, at tagapaghatid ng kaguluhan dahil sa Kanyang kakaibang mga turo at paglabag sa mga kautusan, lalo’t higit sa Kanyang pagpapakilala bilang sinugo ng Ama. Hindi ito katanggaptanggap sa Kanila. Mas mabuti pang mawala sya sa kanilang mga mata. Ang tunggalian ng masama at mabuti isang katotohanan sa ating buhay. Nararanasan natin ito sa ating mga pagpili at pagdedesisyon sa araw-araw. Kaya nga, kinakailangan nating patalasin ang ating kakayahang mangilatis sa mga “options” na pagpipilian bago tayo magdesisyon. Sapagkat kung sino at ano ang lagi nating pinipili, ito sa buhay natin ang maghahari.
© Copyright Pang Araw-araw 2025