Ebanghelyo: Lucas 11:29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay rito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating Siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon at dito’y may mas dakila pa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga- Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.
Pagninilay
Nakakatawa ang unang bahagi ng kuwento kay Jonas dahil ayaw nya talagang pumunta sa Nineveh. Pero sa huli pumayag din siya at dahil sa kanyang panawagan na magbago ang mga tao nangyari ang kagustuhan ng Diyos na magbagong- loob ang lahat. Mabuti at pumayag si Jonas na siya ay isugo, nakinig ang mga tao sa panawagan niya at ang buong bayan ay di tuluyang nasadlak sa kasamaan. Hindi lang si Jonas ang isinugo ng Diyos.
Marami pang propeta. Sa kagandahang- loob ng Diyos, pati si Jesus ay
isinugo niya upang manawagang magbalik-loob ang tao. Ipinakita ni Jesus kung papaano mamuhay bilang anak ng Diyos. Hanggang ngayon, ito ang panawagan sa ating lahat, ang pagbabalik-loob sa kaharian ng Diyos. Sa mga makikinig, may pag asang magbalik-loob, sa mga di makikinig sila na rin ang humatol sa sarili nila. Ikaw?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020