Ebanghelyo: Mateo 5:20-26
“Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit.
“Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang papatay: hahatulan ang sinumang pumatay. Sinasabi ko naman sa inyo: hahatulan ang nagagalit sa kanyang kapatid. Hahatulan sa Sanggunian ang sinumang magsabi ng “Tanga” sa kanyang kapatid; hahatulan sa apoy ng impiyerno ang sinumang magsabi ng “Tanga.” Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos.
“Makipagkasundo ka sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t di mo nababayaran ang kahulihulihang sentimo.”
Pagninilay
Ang pagkamatuwid ay nasusukat hindi lamang sa pagsunod sa batas o pagaalay ng sakripisyo. Kasabay nito ay ang mabuting ugnayan sa kapwa. Mabuti ang pagsunod sa mga batas, ngunit may mga pagkakataon na dahil sa sobrang higpit ng pagpapatupad nito, mas nabibigyang pansin ang pagsunod at hindi ang ugnayan sa tao. Nakakalungkot isipin na min sa’y ang pagpapatupad sa mga batas ang nagpapalayo sa tao sa Simbahan. Ginawa ang batas upang magbigay ng kaayusan sa buhay ng tao sa lipunan at upang maging wasto ang ugnayan ng bawat isa. Mas magiging makabuluhan ang pagiging matuwid sa batas kung ito’y nagmumula sa pusong makatuwiran at mahabagin. Ang Panginoon na siyang ating hukom ay nagmamasid sa ating mga gawa at balakin ng ating puso. Nawa’y manaig lagi ang awa at katarungan sa ating pagpapatupad at pagsunod sa batas.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023