Ebanghelyo: Lucas 6:39-45
Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinhaga: “Puwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Di ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? Hindi higit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad.
Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.
Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At sinasabi nga ng bibig ang umaapaw mula sa puso.
Pagninilay
Hanga ako sa mga taong nagtatagumpay sa buhay. Lalo na kapag naririnig ko, na sila’y mayroong advisor, o coach, o guru na gumagabay sa kanila. Kaya pala naging matagumpay sa buhay: magaling na sila, pero handa pa silang matuto, at mapili sila pagdating sa guidance. Tayo kaya, pagdating sa ating espirituwal na buhay? Sinu-sino ang ating pinapakinggan o sinusundan? Mapili rin ba tayo pag dating sa spiritual guidance? Tama naman ang sinabi ni Jesus. Ano kayang mangyayari kung ang isang bulag ay maging taga-akay ng kapwa niyang bulag? Pwede mangyari na sila’y madapa, bumangga, o mahulog sa kanal. Napakahalaga na pumili tayo ng mabuti kung sinong gagabay sa atin.
Nabasa ko minsan, ang sinumang hindi pa nakakaranas ng kapatawaran ng Diyos ay hindi pa raw handang magpatawad ng lubos. Kaya naman nagiging mapanghusga ang tao, mahilig manira sa kapwa, o mapagmataas
na ayaw humingi ng sorry. Paano kung magsisimula tayo sa sarili natin? “Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakita ng mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo,” ang turo ni Jesus. Alam ng Panginoon na mahilig ang taong pumansin sa kamalian ng kapwa dahil nais niyang pagtakpan ang sarili niyang mali. Hangad ni Jesus na subukan muna nating baguhin ang sarili natin, bago nating subukang iwasto ang kamalian ng iba. Kapag hindi natin nagugustuhan ang ginagawa ng ibang tao, isipin muna natin kung ano ang ginagawa natin na hindi nagugustuhan ng iba. Kung baga, magsimula muna tayo sa sarili natin. Sa ganitong paraan, magiging tayong mabuting puno na namumunga ng mabuti.
© Copyright Pang Araw-araw 2025