Ebanghelyo: Marcos 10:13-16
May nagdala naman kay Jesus ng mga bata para hipuin niya sila. Ngunit pinagalitan ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila.
At pagkakita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila: “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi papasok sa kaharian ng Diyos ang di tumatanggap dito gaya ng isang maliit na bata.” At pagkakalong sa kanila ni Jesus, ipinatong niya sa kanila ang kanyang mga kamay para basbasan sila.
Pagninilay
Alam natin na ang mga kabataan ay ang kinabukasan ng mundo. May pananagutan tayong mga hindi-na-bata sa kanila: sila’y dapat arugain, turuan, at gabayan. Ito’y isang maselan na misyon at gawain. Pagdating ng panahon, sa panahon ng anihan, makikita natin ang bunga ng itinanim natin. Sa paanyaya ni San Luigi Orione, sagipin natin ang mga kabataan sapagkat sila ang magandang araw ng kinabukasan. Pero, sila’y maaaring maging parang unos, bagyo, o lindol kung pababayaan natin sila.
Inilunsad ni Papa Francisco noong 2020 ang Compact Global on Education upang pagplanuhan kung paanong makapagbibigay ng magandang edukasyon sa mga kabataan. It is the work of the global village to raise a child. Binibigyang-diin ng programang ito ang pananagutan ng bawat isa sa mga kabataan.
“Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata.” Ito ang bilin ni Jesus. Tayo ba ay nabibilang sa mga nagdadala ng mga bata kay Jesus, o tayo’y pumipigil na sila’y maging malapit sa Kanya? Sinusino ang mga bata at kabataan na ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon?
© Copyright Pang Araw-araw 2025