Ebanghelyo: Lucas 11:29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay rito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga tagaNinive, gayundin ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila.
“Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon at dito’y may mas dakila pa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalikloob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.”
Pagninilay
Para sa isang taong walang pananampalataya, walang katunayan ang sapat para tanggapin ang isang bagay. Maraming kamangha-manghang bagay ang ginawa ni Jesus, ngunit dahil sa katigasan ng puso ng mga pariseo, patuloy sila sa pagsilo sa kanya sa pamamagitan ng paghingi ng tanda. Ano pa man ang gawin ni Jesus, dahil hindi sila tumatanggap sa kanya, hindi pa rin sila maniniwala. Maraming bagay rin ang nabanggit ng mga propeta sa Lumang Tipan tung kol sa pagdating ni Jesus ngunit hindi pa rin nila siya tinanggap. Nabulag sila ng kanilang inggit kung kaya’t di nila makilala si Jesus na siya mismong tanda ng kaharian ng Diyos. Pinaalalahanan sila ni Jesus sa naganap kay propeta Jonas pagkat ang mensahe ng pagsisisi ay siya ring mensahe ni Jesus, ang Mesiyas. Para sa ating mga Kristiyano, kasama ng ating paniniwala ay ang pagtanggap sa mensahe ng pag sisisi sa ating mga kasalanan. Magiging mabunga ang ating pananampalataya kung bukas ang ating puso sa pagbabago upang si Jesus ang siyang manahan sa ating buhay at tayo rin ay maging buhay na tanda at tagapagpahayag ng kanyang mensahe.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023