Ebanghelyo: Lucas 6:36-38
Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain.
Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan – isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang mabubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
Pagninilay
Isa sa mahalagang bagay na kinakailangan natin sa buhay ay ang pakikipagkapuwa-tao. Mula pagkabata pa lamang ay tinuturuan na tayo kung papaano makitungo sa ating kapwa, lalo na sa mga matatanda. Kung tutuusin ay hindi naman talaga ibang tao ang ating kapwa. Katulad natin sila na sumasalamin sa kung sino tayo. Wika nga ng golden rule, gawin mo sa iba ang gusto mong gawin nila sa iyo. Ano nga ba ang sukatan ng ating pakikitungo sa iba? Ano ang sukatan ng ating pagpapatawad at pagbibigay? Nawa gaya ng nabanggit sa ebanghelyo ang maging sukatan ay ang awa ng Amang nasa langit. Una na niya tayong kinaawaan kung kaya’t ganun din sana tayo ay maging maawain. Mahalagang sangkap ng pakikipagkapwa ay ang awa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021