Ebanghelyo: Mateo 4:1-11
Dinala ng Espiritu si Jesus sa disyerto upang tuksuhin siya ng diyablo. Pagkatapos ng apatnapung araw at apatnapung gabing di kumakain, nagutom si Jesus. Kaya lumapit sa kanya ang demonyo at sinabi: “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.” Ngunit sumagot si Jesus: “Sinasabi ng Kasulatan: Hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat namumutawi sa bibig ng Diyos.” Dinala naman siya ng diyablo sa Banal na Lunsod, inilagay siya sa nakausling pader ng Templo, at sinabi: “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, tumalon ka paibaba pagkat sinasabi ng Kasulatan: Uutusan ng Diyos ang kanyang mga anghel para sa iyo. Bubuhatin ka nila upang hindi matisod ang iyong paa sa bato.” Sumagot si Jesus: “Ngunit sinasabi rin ng Kasulatan: Huwag mong hamunin ang Panginoon mong Diyos.” At agad na dinala ng diyablo si Jesus sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya lahat ng bansa ng daigdig sampu ng kayamanan at kadakilaan ng mga ito. At sinabi sa kanya: “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung luluhod ka at sasamba sa akin.” Kaya sumagot si Jesus: “Lumayo ka, Satanas! Sinasabi nga ng Kasulatan: Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos; siya lamang ang iyong paglilingkuran.” Kaya iniwan siya ng diyablo at lumapit naman ang mga anghel at naglingkod sa kanya.
Pagninilay
Madaling matukso ang tao sa oras ng kagutuman at kahirapan. Kung minsan nga ginagamit ang gutom at hirap na dahilan upang magkasala. Ang iba, sinasamantala ang kagutuman at kahirapan ng ibang tao upang akitin sila sa masasamang gawain. Si Jesus bilang tao ay nagpakatatag sa oras ng kanyang kahirapan. Dahil s’ya ay may kapangyarihan, madali sana siyang natuksong gawin ang bato natinapay. Pero hindi. Ipinakita nya na kaya ng ating pagkatao ang manindigan at magpapakatatag sa oras ng
kahirapan, na ang gutom at pagiging dukha ay hindi hadlang sa pagiging tapat sa Diyos.Kahanga hangang panoorin sa TV o U-Tube yong mga taxi driver na nagsasauli ng mga kagamitang naiwanng kanilang mga pasahero. Bagama’t hindi naman malaki ang kanilang kinikita, hindi naging tukso sakanila ang kunin ang hindi kanila. Humahanga rin ako sa mga mag asawa na naging totoo sa isa’t isa, sa hirap at ginhawa. Sa dami ng tukso ngayon, mahirap magpakabanal pero ito ay nakakayanan ng mga taong malakas ang kapit sa Diyos. Hangga’t may mga taong totoo, may pag asa ang ating bansa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020