
SA MISA KAGABI (sa St. Paul the Apostle Shrine sa Casa Milan), na pinangunahan ni Monsignor Romulo Rañada, kasama sina Fr. Aldrin Lopez at ang Indones na si Fr. Yuhannes Tuan, muling bumaba si Monsi mula sa ambo, upang ihain ang kanyang homilya sa pagpapatuloy ng kanyang pagtuturo sa mga tagasubaybay ng 7Ps. Hudyat iyon upang kunin ko ang aking ipad at sundan ang kanyang “lumalakad” na Ebanghelyo.
“Pag Diyos ang naghari, lahat ay masaya,” ang simula niya. “Ito ay walang pasubaling pahayag na isa ring pangakong bibigyang lunas ang paghihirap, takot, pangamba, away, at iba pang negatibong bagay na maaaring sumira sa napakasigabong pagdiriwang sa gabing ito. Ito ang Ebanghelyo, ang tiwala sa pagpapala ng Panginoon. Sapagkat ang tagumpay ng misyon ay hindi nakasalalay sa atin, kundi kay Kristo, ang garantiya ng magandang kahihinatnan. Tingnan nyo ang PREX, sumusulong ba ito dahil sa ating galing? Hindi. Ito ay dahil sa lakas na galing sa Diyos, panibagong pwersang ibinabahagi natin sa iba.” Ang tunay na galling, dagdag ko.
“Anim na araw mula ngayon,” sabi niya, magaganap ang EMM (o Extraordinary Month of Mission), isandaang taon mula sa (Maximum Illud) encyclical ni Pope Benedict XV, ang misyon na hindi nakaligtaan, manapa’y nagampanan. Ayon kay Papa Francisco, ang Oktubre ay buwan ng panalangin at pagkilos. Aksyon upang panibaguhin ang ating obligasyon sa misyon ng pag-eebanghelyo, na siyang nagliligtas na pag-ibig at habag ni Kristo.” At itinanong niya, “Ano kaya kung walang PREX? Buhay kaya tayo sa pananampalataya, pag-ibig at pagsunod sa Diyos?” At sinagot niya ang sariling tanong. “Mabuti na lang, naging kabahagi tayo ng Diyos, hindi katô-likô, sarado, kaya hindi makapasok ang Banal na Espiritu. At ito ay dahil sa sharing. Gusto nating ibahagi ang karanasan, bilang pasasalamat sa Diyos, bilang pagpapanibago, pagpapasigla ng ating commitment.”
Sa puntong ito, naalala niya ang kanyang dentista. Hindi Katoliko pero kapag nagpapatingin siya ng kanyang ngipin, ang naaalala ni Monsi ay ang mga musikang pinatutugtog ng dentista, Christian music. Nagpapakalma ng damdamin, sabi ni Monsi, nagbubunsod na sabihin niyang “Narito ang Diyos.” Isang araw, ibinalita sa kanya ng dentista na siya, ang kanyang asawa at dalawang anak ay aalis patungong Kazahkstan (isang republika sa Asya na malapit sa boundary ng China at Russia) upang maging misyonaryo, ibahagi at ipalaganap si Hesus. “Sinuman sa inyo,” sabi ni Monsi. “ay makagagawa ng katulad ng ginawa niya. Bata man, matanda, estudyante, propesyunal o karaniwang tao, lahat tayo ay bininyagan at ipinadala upang maging bahagi at magbahagi ng misyon ni Hesus, upang maghari ang Diyos sa lahat ng nilalang, sabihin natin sa isa’t-isa, ‘Baptized and sent.’” At inulit ng kongregasyon ang kanyang sinabi. At inulit ko iyon kay Kuya William, na nasa harap ko, sa upuan ng mga ministro na magpapakomunyon. At umalingawngaw ang tinuran ni Monsi.
“Opo,” pagpapatuloy niya. “Marami ang nag-wo-worship pero hindi hubog sa Ebanghelyo, hindi pa nababago, troublemaker pa.” Tawanan. “Walang graduation ang formation dahil ito ay forever. Gaya ng bunga ng 7Ps, paglipas ng apat na taon: social action mission, pagtulong sa iba, paghahanda, pagsasaya, pagpapakain, pagtulong sa mga aba at may diperensya at naiiba. Pero huwag nyong kunin ang inyong ambag sa ating 7ps mula sa donasyon nyo sa inyong parokya. Para kay Hesus, isipin nating walang sapat na balik-handog, higit pa tayong magbigay, more, dagdagan. Nawa, patuloy ang inyong paglago sa misyon, sa sarili, sa pamilya, sa parokya, para na rin sa mga di natin nakikita at nakakasama, pero laging kabahagi sa Diyos. Salamat.”
Pagkatapos ng Misa, sinimulan ang seremonya ng 7Ps at ang pinakatampok na ACTS na bahagi nito. Nang matapos ang worship, bago umpisahan ang praise, pumagitna si Ate Mila upang ipakilala ang mga paring panauhin. Nauna si Fr. Aldrin Lopez ng Sacred Heart Parish. Magtatagalog daw siya, sabi ng pari, dahil Pilipino siya. “Hubog na hubog at buhay na buhay ang Salita ng Diyos sa kanyang Parokya,” aniya. “Sa pamamagitan ng luhod, upo, tulong, at feeding program para sa public schools at,” ang pinakabago nilang proyekto, “social action na sinusuportahan ng isang grupong internasyunal.” Tumimo ang kanyang huling tinuran: “Wala kaming bukluran kung walang PREX.” Maikli ngunit makabuluhan.
Kagaya ng pakli ng sumunod na ipinakilala ni Kuya Joef na si Fr. Yuhannes. Mula sa Indonesia, Tagalog din ang ginamit niya. “Pasensya na po, ako ay taga-Christ the King Parish, at nagtapos sa PREX batch 59.” Gusto niyang ilunsad ang programa sa kanyang bansa (na ang kalakhang populasyon ay Muslim), kung saan kinailangan ang 21 taon upang itayo ang isang simbahan.
Pahabol Salita:
Epektibo si Monsi Romy sa kanyang mga homilya – at maging sa mga talumpati niya sa labas ng ambo – dahil dama niya ang pulso ng pamilya. Hindi siya gumagamit ng Ingles (na hahanapin pa sa diksyonaryo ang kahulugan) at kolokyal, kung hindi man simple, ang kanyang Tagalog. Sinusugan pa siya ng dalawang paring nagkonselebra ng Misa. Kapuri-kapuri ang pananagalog nila, laluna ng Indones, kumpara sa mistulang nag-talk number 12 na tila sarili lang ang kinakausap sa Ingles. Ang naintindihan ko lang na Tagalog sa mga sinabi niya, dahil paulit-ulit, ay “mga ate at kuya”.
