Ebanghelyo: Mateo 8:1-4
Pagkababa ni Jesus mula sa bundok, maraming tao ang sumunod sa kanya.
Lumapit sa kanya ang isang may ketong, at paluhod na nagsabi: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyo’y gumaling ang lalaki sa kanyang ketong.
At sinabi ni Jesus sa kanya: “Mag-ingat ka, huwag mong sasabihin ito kanino man, kundi pumunta ka sa pari para suriin ka niya at ialay ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.”
Pagninilay
Sa Sakramento ng Binyag, tayo ay nilinis na ng banal na tubig at binihisan ng puting damit na tanda ni Kristo. Sa paglipas ng panahon, tayo’y nadudungisan ng ating mga paglabag na nakasisira sa ating ugnayan sa Diyos. Tulad ng ketongin, nais nating malinis ang sugat ng mga kasalanan na ating nagawa dulot ng kasakiman, ganid at pagmamataas. Dahil sa awa ng Diyos, binigay ni Jesus sa Simbahan ang mga sakramento na nagpapabanal sa atin tulad ng sakramento ng kumpisal, kung saan tayo’y nililinis sa ating mga kasalanan at pinanunumbalik sa estado ng biyaya ng Diyos. Sa panahon ngayon, tila konti na lang ang mga taong nagbibigay pansin sa sakramentong ito. Hilingin natin ang biyaya ng kababaang-loob upang tanggapin ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Panginoon sa sakramento ng Kumpisal. Dito’y maranasan natin ang mapagmahal na awa ng Diyos at mapanumbalik tayo sa pagkadalisay dulot ng kabanalan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023