Ebanghelyo: Mateo 8:23-27
Sumakay si Jesus sa bangka at sumunod sa kanya ang mga alagad niya. Walang anu-ano’y nagkaroon ng malakas na bagyo sa lawa at parang matatabunan na ng mga alon ang bangka. Ngunit tulog si Jesus. Ginising siya nila na sumisigaw: “Panginoon, saklolo! Mamamatay tayo!” At sinabi ni Jesus: “Ba’t kayo natatakot, kayong napakaliit ng paniwala?” Bumangon siya at inutusan ang mga alon at hangin, at tumahimik ang lahat. Nagulat ang mga tao at sinabi nila: “Anong klaseng tao ito? Sumusunod sa kanya pati mga hangin at dagat.”
Pagninilay
“Bakit kayo natatakot?” tanong ni Jesus sa kanyang mga alagad. Nasaksihan ng mga alagad ang ginawa niyang pagpapakalma sa malalakas na alon. Kaya nagtataka sila kung sino nga ba talaga si Jesus. Kahit kasa-kasama na nila si Jesus hindi parin nila lubos na kilala at maunawaan ang kanyang pagkatao. Kulang lang ba sila sa paniniwala? O di talaga nila kilala si Jesus at wala silang pakialam sa mga pinapahayag niya? Ang ebanghelyo ngayon ay nagpapahiwatig na si Jesus ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay: mapatubig, lupa o langit man ito. Ang pagwika ni Jesus na “huwag kayong matakot” ay nagbibigay sa atin ng kasiguraduhan na siya’y palaging nasa tabi natin kahit ano pang bagyo ang dumating sa buhay natin. Tumawag lang tayo sa pangalan ni Jesus at siya’y agad na tutugon sapagkat walang pinipiling panahon o araw ang tulong ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020