Ebanghelyo: Mt 16: 13-19
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.”
Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
Pagninilay
Ang paulit-ulit na pagtatanong ni Jesus kay Pedro tungkol sa kanyang pagmamahal ay isang paraan upang maugnay ni Pedro sa kaibuturan ng kanyang puso ang kahulugan ng kanyang pahayag na pagmamahal. Batid ni Jesus kung ano ang mga susunod na mangyayari sa buhay ni Pedro dahil sa pagsunod niya sa Kanya. Nang makita ni Jesus na nag-umpisa nang mamulat ang kanyang kaisipan, doon sinabi ni Jesus kung ano ang Kanyang hiling. Pinaniniwalaan ng tradisyong Romano Katoliko na itinatag ni Jesus si San Pedro bilang unang Papa (Mateo 16:18). Ibinigay din sa kanya ni Jesus ang “mga susi ng kaharian ng langit” (Mateo 16:19), kaya madalas nating inilalarawan na si Pedro ay nasa pintuan ng langit at nagbibigay daan upang tayo ay makapasok sa kaharian ng Diyos. Ang ebanghelyo ay nagbibigay ng liwanag na kapag tayo ay nalagay sa sitwasyon na parang sinusubukan ni Jesus ang ating pagmamahal at pagsunod sa Kanya, dapat tayong maging tapat. Sa huli, sa pamamagitan ng pagsisilbi sa ating kapwa, ay ipagkakalob ni Jesus sa atin ang susi at ipagkatiwala sa atin ang pagbubukas ng pinto ng langit.
© Copyright Bible Diary 2024