Ebanghelyo: Mateo 16:13-19
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit.
At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.
Pagninilay
May mga Kristiyano na nanghina sa kanilang pa nanampalataya dahil sa mga kaganapan sa Simbahan gaya ng iskandalo, di pagkakaunawaan, at personal na interes ng ilan na nakakaapekto sa pamamahala at nakapagpapalayo sa iba. Nakakalungkot isipin na nagpapakita lamang ito na ang Simbahan ay parehas na banal at makasalanan sapagkat ang mga kaanib nito ay mga tao. Gayunman, patuloy na nagsusumikap ang Simbahan sa pagbabago, “Ecclesia semper renovanda.” Ang Simbahan ay kailangang magbago at palaging magbago. Sa kabila ng kamalian, ang Simbahan ay nananatiling matibay at matatag sapagkat itinayo ito ni Jesus sa ibabaw ng mga apostoles na pinamunuan ni San Pedro, ang bato. Kahit pa lumaki ang Simbahan, huwag nating kalimutan ang mga kapus-palad na bahagi ng unang pamayanang Kristiyano na binuo nina San Pablo, San Pedro at mga Apostoles. Manatili nawang mababang-loob ang mga kaanib ng Simbahan upang makamit ang pagbabago sa pamamagitan ng pag-angkin sa ating mga kamalian at pagsusumikap sa kabanalan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023