Ebanghelyo: Mateo 16:13-19
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit.
At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.
Pagninilay
Pedro ang bagong pangalan ni Simon. Naka tsamba kasi siya ng tamang sagot sa tanong ni Jesus! “Mapalad ka, Simon!… hindi laman at dugo ang nagbunyag sa iyo” ng katotohanan ukol sa lihim na nakatago mula pa noong unang panahon. At dahil kay Simon ipinagkatiwala ng Ama ang malaking lihim, siya ang nararapat na batong pagtatatagan ng Iglesya.
Katapat sa kadakilaan ni Pedro si Pablo, ang alagad na “isinilang nang wala sa panahon”. Ginamit ni Jesus ang mapusok na sigasig ni Pablo kung kaya’t sa tuusan ay masasabing higit ang nagawa niya at lalong higit ang pagbabatang sinuong niya alaalang sa pangangaral kaysa sinumang apostol.
Ang pagpapalaya lang kay Pedro ang isinalaysay sa Unang Pagbasa ngunit kapwa iniligtas ng anghel sa pagkabilanggo sina San Pedro at San Pablo. Ang magkamukhang karanasan ng dalawang apostol sa bilangguan at sa pangangaral ay malinaw na katibayan para sa atin na hindi mahahadlangan kahit ng tanikala ang Salita ng Diyos. Kaya nga kung sa pang-araw araw na buhay natin ay napipigilan tayo ng takot, hiya at katamaran sa pagpapatotoo sa ating pinaniniwalaan at sa pagpapakalat ng Mabuting Balita, tayo ang naging tanikala. Di ba’t lalagutin ang tanikalang humahadlang sa Salita?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022