Ebanghelyo: Mateo 8:23-27
Sumakay si Jesus sa bangka at sumunod sa kanya ang mga alagad niya. Walang anu-ano’y nagkaroon ng malakas na bagyo sa lawa at parang matatabunan na ng mga alon ang bangka. Ngunit tulog si Jesus.
Ginising siya nila na sumisigaw: “Panginoon, saklolo! Mamamatay tayo!” At sinabi ni Jesus: “Ba’t kayo natatakot, kayong napakaliit ng paniwala?” Bumangon siya at inutusan ang mga alon at hangin, at tumahimik ang lahat.
Nagulat ang mga tao at sinabi nila: “Anong klaseng tao ito? Sumusunod sa kanya pati mga hangin at dagat.”
Pagninilay
Anong katayuan ang sinisimbolo ng “nasunog na patpat na inagaw sa apoy”? PANGANIB NG PAGKALIPOL – kung hindi naagaw sa tamang panahon, mauuwi na lamang sa abo ang patpat. Ito ang kapalaran ng Israel kung hindi siya pinagmalasakitan ni Yawe. Pero tila hindi alintana ng mga Israelita ang kanyang pagkaligtas. Madaling makalimot ng utang na loob ang taong napabuti na matapos mailigtas.
Pakiwari ng mga alagad na sila’ y nasa ganoon ding panganib kaya ang sigaw nila ay: “Panginoon, saklolo! Mamamatay tayo!” Panandaliang pagkamangha at paghanga ang ibinunga ng pagpapatahimik ng unos. Ngunit tulad din ng mga ninuno nila, madaling nakalimutan ang pagkamangha at mababaw na pagsunod lamang ang kaya nilang ibigay kay Jesus.
Tayong mga makabagong alagad ni Jesus ay mahilig sa kakaibang karanasan, matinding emosyon at kababalaghan. Sa ganitong paraan tayo nasisingitan at nalilinlang ng kaaway. Ang karaniwang gawi ni Jesus ay katahimikan, kapayakan at hindi tawag-pansin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022