Ebanghelyo: Mateo 10:37-42
Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin. Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin. Hindi karapat-dapat sa akin at ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin. Ang nagpapahalaga sa kanyang sarili ang siyang mawawalan nito, at ang nawawalan naman ng kanyang sarili ang siyang makakatagpo nito. Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang gantimpala.”
Pagninilay
Hindi madali ang mga sinabi ngayon ni Jesus sa ebanghelyo. Nais ba niyang talikuran natin ang ating pamilya? Mahalaga ang pamilya dahil ito’y kaloob din na biyaya ng Diyos at katuwang natin sa pang araw araw nating mga pasanin sa buhay. Pero mahalagang maunawaan natin na ang Diyos ang tanging dahilan ng lahat, kaya nararapat lamang natin siyang ibigin na higit pa sa pagmamahal na ibinigay natin sa ating pamilya. Hindi ito nangangahulugan ng pagtalikod sa pamilya o mga mahal natin sa buhay. Ang pagmamahal natin sa Diyos ang siyang magbibigay at magtuturo sa atin ng wastong pagmamahal hindi lamang para sa ating sarili o mga mahal natin sa buhay, kundi na rin sa pagmamahal natin sa kapwa. Tanging ang Diyos lamang ang siyang dahilan ng ating pag-ibig, kaya’t kung hindi tayo umiibig sa kanya para ano pa’t naririto tayo?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020