Ebanghelyo: Mt 7: 21-29
Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa kaharian ng Langit. Sa araw na iyon, marami ang magsasabing: ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsalita sa ngalan mo? Hindi ba nagpalayas kami ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa ngalan mo?’ Ngunit sasabihin ko sa kanila nang walang paliguy-ligoy: ‘Hinding-hindi ko kayo kilala; lumayo sa akin kayong mga gumagawa ng masama.’ Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan! Nang matapos si Jesus sa mga pananalitang ito, nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng kanilang mga guro ng Batas.
Pagninilay
Hindi sapat na sabihing kilala natin ang Diyos o naniniwala tayo sa Kanya. Kailangang maipakita natin ito sa bawat yugto ng ating buhay. Sa ibatibang pagkakataon o karanasan, lalong-lalo na sa harap ng mga pagsubok at sa pakikipag-ugnayan natin sa kapwa. Sabi nga, “Action speaks louder than words.” Mas nakikilala ang tao hindi sa salita kundi sa gawa. Hindi sapat na
alam nating magdasal ng rosaryo o lagi tayong nagnonobena at kabisado ang mga Kautusan at ang Salita ng Diyos upang maturing tayong karapat-dapat sa Kanyang kaharian. Ang pagiging tagasunod ni Jesus ay nangangahulugan ng pagsunod sa kanyang gawi at kilos. Mahalaga ang pagsasabuhay ng ating pananampalataya sa araw araw. Nang sa gayon, makikilala ng iba si Jesus sa ating mga sarili tulad kung paano nakikila natin ang Ama sa katauhan ni Jesus.
© Copyright Bible Diary 2024