Ebanghelyo: Mt 7: 15-20
Mag-ingat sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na parang mga tupa pero mababagsik na mga asong-gubat naman sa loob. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Makapipitas ba ng ubas sa tinikan o ng igos sa dawagan? Namumunga ng mabuti ang mabuting puno, at namumunga naman ng masama ang masamang puno. Hindi makamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno naman ay hindi makapamumunga ng mabuti. Pinuputol ang anumang puno na hindi namumunga ng mabuting bunga at itinatapon sa apoy. Kaya makikilala ninyo sila sa kanilang bunga.
Pagninilay
Inihambing ni Jesus ang bunga ng ating buhay sa isang puno na namumunga. Madaling unawain at usisain kung anong uri ng pagkatao mayroon tayo at kung ano ang nilalaman ng ating puso at isipan. Sabi nga ng iba, “Hindi kailangang mag-ensayo kung paano ngumiti. Ang kailangan ay ang magsanay na mag-isip ng mabubuti o nakasasayang bagay at mamumutawi ang mga ngiti sa ating mga labi.” Tingnan ang ating mga sarili at ang bunga ng ating mga ginagawa. Nakapagbibigay buhay ba ito sa kapwa? Nagdudulot ba ito ng pag-asa at pagtitiwala? Kung ang ating mga salita at gawa ay nagdudulot ng kawalan ng kapayapaan sa iba at sakit ng damdamin at kawalang pag-asa, hayaan nating turuan tayo ni Jesus na baguhin ang ating mga sarili at padalisayin ang ating puso at isipan. Nang sa gayon, magkakaroon ng kabuluhan ang buhay natin para sa kapwa. Sa Panahon ngayon, marami ang naghahanap ng karamay, taong nakauunawa na kayang yakapin hindi lamang ang kabutihan kundi pati na rin ang kanilang kahinaan. Kung magagawa natin ito sa iba, namumunga sa atin ang Salita at Turo ni Jesus.
© Copyright Bible Diary 2024