Ebanghelyo: Mateo 7:6, 12-14
Huwag ibigay ang banal sa mga aso o itapon ang inyong perlas sa mga baboy, at baka yapakan nila ito at balikan kayo at lapain.
Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.
Pumasok sa makipot na pinto sapagkat malapad ang pintuan at malawak ang daan papunta sa kapariwaraan, at marami ang pumapasok doon. Napakakipot naman ang pintong papunta sa buhay at mabalakid ang daan at kakaunti ang mga nakakatagpo rito.
Pagninilay
Ang isang taong nasa tamang pag-iisip ay laging naghahangad ng sariling ka butihan. Hindi naman ito masama. Ito’y pangangalaga at pagpapaunlad sa buhay na ibinigay ng Diyos. Itinuturo ni Jesus na ang pagbibigay-pansin sa sarili ay batayan ng pagbibigay-pansin sa ating kapwa. Kung naghahangad tayo ng kabutihan para sa sarili, ganun din ang dapat hangarin para sa iba. Kung nais nating bigyang pansin, mauna tayong magpakita ng mabuti sa iba sa pamamagitan ng kagandahang asal at ugali. Ito ang paraan upang tayo’y maging matuwid at makatarungan. Hindi natin nais na tayo’y malinlang, pagkaitan at apihin ng iba. Kung kaya’t hindi rin natin ito dapat gawin sa iba. Pakatandaan na nilikha tayo ng Diyos sa kanyang pag-ibig. Marapat lamang na isabuhay natin ito sa pamamagitan ng pagmamahal sa kapwa upang ang kaayusan ang maghari sa ating pamayanan kung saan mayroong pagkakaunawaan, pagtutulungan at kapayapaan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023