Ebanghelyo: Mateo 8:18-22
Nang makita ni Jesus ang maraming taong nakapaligid sa kanya, iniutos niyang tumawid sa kabilang ibayo. May lumapit sa kanya na isang guro ng Batas na nagsabi: “Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” Sinabi ni Jesus sa kanya: May lungga ang asong-gubat, may pugad ang mga ibon, ngunit wala man lang mapahiligan ng kanyang ulo ang Anak ng Tao.”
Isa pa sa mga alagad ang nagsabi sa kanya: “Panginoon, pauwiin mo muna ako para mailibing ko ang aking ama.” Ngunit sinagot siya ni Jesus: “Sumunod ka sa akin, at bayaan mong ilibing ng patay ang kanilang mga patay.”
Pagninilay
Ano ba ang tanda ng katapatan sa Diyos? Bakit ayaw talikuran ni Yawe ang kanyang galit ayon sa Unang Pagbasa? Matindi ang mga babalang ihinanay ng manunulat. At sintindi rin ang mga katangiang hanap ni Jesus sa mga gustong sumunod sa Kanya.
Isa sa pangunahing pangangailangan ng tao ang tirahan, ang lugar na maaari niyang balikan tuwing siya ay gumaganap ng tungkulin sa ibang dako. Ang tahanan ay lugar na kapanatagan at pagpapahinga, kung saan natatamasa ng isang tao ang pagmamahal, suporta at pagiging kabilang at kaisa. Nais ni Jesus na ang tagasunod Niya ay hindi nahahadlangan ng pangangailang ito. Mas pinaigting Niya ang Kanyang ibig sabihin nang idagdag pa, “Bayaan mong ilibing ng patay ang kanilang mga patay.”
Sapagka’t hindi maabot ng karaniwang tao ang lubos na pagsandig sa Diyos hangga’t may inaasahan pang ibang panggagalingan ng tulong, ng lakas at pag-aaruga. Mahalagang maranasan ng nais sumunod kay Jesus na “wala nang iba sa buhay kundi si Jesus.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2022